Hindi natatakot at sa halip ay nagpahayag ng kahandaan si Father Amado Picardal na tumestigo sa International Criminal Court (ICC) laban kay Pangulong Duterte.

Ito ay sakaling maisulong ang reklamong isinampa sa ICC laban sa Pangulo kaugnay ng mga patayan sa Davao City, at sa mga sinasabing extrajudicial killings na may kinalaman sa kontrobersiyal na war on drugs ng pamahalaan.

Ayon kay Picardal, hindi siya natatakot na tumestigo sa ICC laban sa Pangulo.

Gayunman, tumanggi siyang maging testigo sakaling maglunsad muli ang Senado ng hiwalay na imbestigasyon sa mga kaso ng EJK sa bansa, dahil balewala rin lang naman ito, aniya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“ICC, yes. Senate, no. It is useless,” maikling mensahe ng pari, na tumanggi na ring makapanayam dahil sa panganib sa kanyang buhay.

Matatandaang ibinunyag kamakailan ni Picardal na kabilang umano siya sa death list ng Davao Death Squad (DDS).

Naniniwala ang pari na target siya ng DDS dahil sa mga pangaral at sa mga naisulat niya hinggil sa extrajudicial killings sa nakalipas na 20 taon.

Hindi naman makumpirma ng pari kung mismong ang Pangulo ang nag-utos na ipapatay siya, bagamat iginiit niyang determinado ang death squad na tapusin ang kanyang buhay.

Umapela rin si Picardal sa publiko ng panalangin para sa bayan at para sa kanyang kaligtasan.

-Mary Ann Santiago