PARAISO ang karaniwang turing sa isla ng Boracay dahil sa likas nitong kagandahan. Nakagagalak sa pandinig, ngunit ang totoo, kabaligtaran ang nagaganap dito bunga ng hindi patas na pagtrato sa maliliit at mayayamang negosyante. Ang Boracay inter-agency task force na nilikha upang isaayos ang nasirang kaayusan ng isla ay waring kumikiling sa malalaking negosyante lamang.
Ang reklamo ng mga maliliit na negosyante ay kaugnay sa sangkaterbang dokumento at mga ipinatutupad sa kanila. Madali ito sa malalaking negosyante dahil malawak ang kakayanan nila. Sa ngayon, mga 30 porsiyento lamang ang natutupad ng mga negosyante sa mga hinihingi sa kanila, bagay na nagpapalabo sa inaasahang “business as usual” sa Boracay.
Sa halip na pahirapan ang maliliit na negosyante, dapat silang tulungan ng task force. Dahil sa hindi makatarungang mga hinihingi, maaaring mabura sila sa Boracay.
Ang mga problema ng Boracay ay higit pa sa mahabang listahan ng mga dokumentong ipinasusumite sa mga maliliit na negosyante sa isla. Ang mga isyu tulad ng naaantalang ayudang pinansiyal para sa mga apektadong residente, napakabagal na pagsasagawa ng mga kalsada, ang hindi pagsasampa ng kaso laban sa mga sumira ng kapaligiran, ang alokasyon ng mga trabahong pangrehabilitasyon, at ang burarang pagtatapon ng basura ay nakalulungkot. Ang anim na buwang pansamantalang pagsasara ng isla ay baka matuloy sa kamatayan nito.
Dapat suriing muli ng Boracay task force ang master plan nila (kung meron) at tingnan kung mabisa nga bang natugunan nito ang tunay na isyu kung bakit ipinasara ang Boracay. Dalawang buwan bago ang itinakdang muling pagbubukas ng isla, waring malabo ang katuparan nito.
Nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 53 na lumilikha sa inter-agency task force, umasa ang marami na matutugunan ang interes ng lahat ng ‘stakeholders’ sa isla. Pinalawak ang saklaw ng task force kaya isinama rito ang mga kalihim ng Justice, Public Works, Social Welfare, Labor at Trade na magkatuwang na pamumunuan ng mga kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Tourism at upang mapabilis ang rehabilitasyon.
Bukod sa mga nabanggit, isinama rin sa task force ang hepe ng Philippine National Police (PNP), ang chief operating officer ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, ang gobernador ng Aklan at alkalde ng Malay. Tunay na kahanga-hanga ang dating ng Boracay Task Force, ngunit tila sadyang nakaligtaan ang mga isyung kaugnay ng kapakanan at interes ng mga maliliit na negosyante at residente ng isla.
Dahil dito, higit na matingkad ang diskriminasyon sa paraiso kaysa solusyon sa mga problema doon.
-Johnny Dayang