CEBU CITY - Sinasabing alam ng mga magulang kung ano ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak, ngunit naiba ang kahulugang ito para kay Margielyn Didal, isang Cebuana, nang ipinagpatuloy niya ang kanyang interes sa skateboarding.
Nitong Biyernes, pinatunayan ni Didal na tama ang kanyang naging desisyon nang masungkit niya ang ikaapat na gold medal ng Pilipinas sa 2018 Asian Games sa Pelambeng, Indonesia.
Tinalo ng 19-anyos na si Didal ang pitong iba pang kalahok sa women’s street skateboard event sa JSC Skateboard Stadium.
Nakakuha si Didal ng 30.4 points, habang ang kanyang mahigpit na katunggali, ang Japanese na si Isa Kaya, ay nakaiskor ng 25.0.
Hindi naging madali ang tinahak ni Didal para makarating sa rurok ng tagumpay. Sinuway ni Didal ang kanyang ama nang itigil niya ang pag-aaral para pag-aralan ang skateboarding.
“Her father brings her to school. It turned out, she was not attending classes because she was on the streets practicing skateboarding,” pahayag ni Julyiana, 43, ina ni Didal, sa Balita.
Sa galit, sinira ng amang si Julito ang lahat ng gamit ng anak sa skateboarding.
“She was so sad because she just borrowed the skateboard. Then the wheels for a skateboard that she bought for P1,800 were also destroyed,” sabi ni Julyiana sa Cebuano. “My husband kept on advising her to focus on her studies so she could have a better future.”
Sa kabila ng pamimilit ng ama ni Didal, ipinagpatuloy pa rin ni Margielyn, ikaapat sa limang magkakapatid, ang paghasa sa kanyang mga abilidad sa lansangan ng Cebu. Nasa ikapitong baiting na siya nang tumigil siya sa pag-aaral, dahil balakid ito sa kanyang passion sa naturang sport.
Dahil masigasig si Margielyn sa sport, at kinumbinse ni Julyiana ang kanyang asawa na suportahan na lang ang kanilang anak sa nais nito.
Sa wakas ay napapayag din si Julito at nito ngang Biyernes ay pinatunayan ni Margielyn ang kanyang angking galing sa mga magulang. Buong puso naman siyang ipinagmamalaki ng kanyang mga magulang.
“We watched her competition on television. We were confident that she was going to win because the skating rink in Indonesia was not that tall compared to the rinks in London and America,” ani Julyiana.
Nakapasok si Margielyn sa ikawalong puwesto sa kumpetisyon sa London noong Mayo. Pasok din naman siya sa ika-10 puwesto sa hiwalay na kumpetisyon sa Amerika noong Hulyo.
Naninirahan ang pamilya Didal sa Barangay Lahug, Cebu City. Bilang hanapbuhay, nagtitinda si Julyiana ng street food gaya ng kwek-kwek at tempura sa labas ng simbahan sa Cebu City habang si Julito, 50, ay construction worker.
“She was 12 years old when she started practicing. There were times that I instructed her to buy cooking oil but she would not come back because she was already practicing with her friends,” saad pa ni Julyiana.
Isiniwalat naman ni Julyiana na nagtiyaga si Margielyn sa maging mahusay sa naturang sport dahil naniniwala siyang ito lamang ang natatanging paraan para maiahon niya ang pamilya sa kahirapan.
Sa nakamit na tagumpay nitong Biyernes, malapit na si Margielyn na maabot ang kanyang pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang pamilya, dahil may matatangap siyang P6 milyon bilang incentive.
“We talked after her victory and the first thing that she told me that she wants her father to stop working. She is concerned with her father that’s why she said she will use part of the money to put a business for her father,” ani Julyiana.
“We are so proud of her achievement. We are happy that her hard work finally paid off”.
-Calvin D. Cordova