“AMININ natin na ang PDP ay naghihingalong partido. Kaya lang marami nang sumama dito ay nang manalo akong Pangulo. Pero, napakahinang partido ito,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa harap ng 200 alkalde mula sa Visayas sa Raddison Blu Hotel nitong Martes ng gabi. Ang PDP na binanggit ng Pangulo ay ang Partido Demokratiko Pilipino - Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na siyang ginamit niyang partido nang kumandito siya sa pagkapangulo noong nakaraang 2016 presidential elections. Kung wawariin mo ang kanyang sinabi, sarili lang niyang lakas ang nagpanalo sa kanya. Ginamit niya lang ang PDP-Laban sapagkat ayaw niyang lumabas na siya ay independent candidate nang sumabak siya sa halalan.
Nahati na sa dalawang grupo ang PDP-Laban, lubusan pang winasak ito ni Pangulong Digong. Bakit nga ba hindi, eh sinasabi niyang mahina ito at ang pagkapanalo niya ang nagpalakas dito. Paninira ito, lalo dahil sa harap pa ng mga pulitiko niya ito sinabi. Ang epekto kasi nito ang magiging dahilan para kumalas n aang mga sumapi sa partido, na sumunod lamang sa kanya nang siya ay manalo para sa benepisyong inaasahang pakikinabangan nila sa kanya at sa kanyang kapangyarihan.
Bago pa ba tayo sa uri ng ating pulitika? Eh para itong bukid kung saan naglipana ang mga paru-paro na humahanap ng dadapuan. Kung saan sila makakasisimsim ng bango at tamis, doon sila dadapo at maglalagi. Kapag wala na silang masimsim, lilipad na naman sila para humanap ng madadapuan na magbibigay sa kanila ng bagong biyaya. Sa tinuran ng Pangulo hinggil sa kalagayan ng PDP-Laban, nabulabog na ang mga political butterfly at malamang na sila ay lumipat sa kung saan naroroon ang Pangulo.
Sa pagpula ng Pangulo hinggil sa kahinaan at pagiging marupok ng PDP-Laban, nabasa na ng mga political butterfly ang body language ng Pangulo. Naamoy na nila kung saang direksyon humahalimuyak. Kaya, naglipatan na sila sa Hugpong ng Pagbabago. Ito ang partidong itinatag ng kanyang anak na si Mayor Sarah Duterte-Carpio. Bagamat sinasabi nito na ito ay pang-rehiyon lamang, nakita na ni dating Speaker Pantaleon Alvarez na ito ay posibleng makalaban ng PDP-Laban. Nagkamali lang siya dahil ang sabi niya, ang Hugpong ay partido ng oposisyon laban sa Pangulo. Eh lumalabas, ang PDP-Laban pala ang siyang oposisyon sa Hugpong kahit hindi hayagang tinuran ng Pangulo.
Ang nangyayari ngayon, hindi na isa-isa o indibiduwal na lumilipat ang mga pulitiko sa Hugpong. Grupo-grupo na sila at ang tawag nila dito ay pakikipag-alyansa. Nakipag-alyansa na ang Nacionalista Party sa pamumuno ng Pangulo nito na si Sen. Cynthia Villar. Gayundin ang partidong lokal sa Ilocos Norte ni Gov. Imee Marcos. Ang huling ulat ay nakatakda na umanong sumama at makipag-alyansa sa partido ang lokal na grupong Partido Magdalo ng Cavite. Hindi ito iyong partidong Magdalo ng mga dating sundalo tulad nina Sen. Antonio Trillanes at Partylist Rep. Gary Alejano. Ito iyong partidong pinamumunuan ni Cavite Gov. Jesus Remulla, at ayon sa kanya, maayos na ang kanilang pakikiisa sa Hugpong sa nakalipas na dalawang linggo.
Ang Hugpong ng Pagbabago ang siyang partido na ni Pangulong Digong. Ang pagbabago na inaalay nito sa taumbayan ay ang pagbabalik ng mga pulitikong minsang namuno sa ating bansa na pinagmalupitan ang sambayanan at sinalakay ang kaban ng bayan.
-Ric Valmonte