SA pagsisikap na ipaliwanag ang pagpili ni Pangulong Duterte kay Justice Teresita Leonardo de Castro bilang bagong punong mahistrado ng bansa, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na si De Castro ang pinakamatanda sa lahat ng nominado ng Judicial and Bar Council. Tunay na siya ang pinakamatanda sa mga nominado; mararating na niya ang mandatong edad ng pagreretiro sa edad na 70 sa Oktubre 8, kaya’t 41 araw lamang siyang magsisilbing punong mahistrado.
Ang katandaan ay isang mahalagang salik sa paghirang sa isang posisyon sa gobyerno. Mayroon ding iba, ang kuwalipikasyon para sa isang posisyon ay iba pa. Sa Korte Suprema, kabilang dito ang integridad na ipinahihiwatig ng tamang paghahain ng Statement of Assets, Liabilities and Networth—ang mahalagang isyu na naging dahilan ng pagkakasibak sa puwesto ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, sa pamamagitan ng isang quo warranto.
Ang pangangailangan sa sitwasyon ay ikinokonsidera rin sa pagluluklok. Ang napili ay dapat na nasa tamang lugar at panahon upang maayos na magampanan ang posisyon. Ang panahon na balakid sa maraming opisyal ng militar na hinirang na maging chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, na hindi nagagawang makapagpatupad ng mga pagbabago at reporma na kanilang nais isulong dahil mayroon lamang silang ilang buwan para makapagsilbi bago ang itinakdang pagreretiro sa edad na 56.
At siyempre, ang pagtataya sa kapangyarihang magluklok ay mahalaga, bilang konsiderasyon sa pangangailangan ng kanyang opisina at ng personal na konsiderasyon. Marahil ito ang susi sa maraming pagtatalaga ng pamahalaan; hanggang sa ngayon, iniuugnay ng mga kritiko ang pagkakaluklok ni Sereno sa naging gampanin nito sa kaso ng Hacienda Luisita.
Ngunit higit na mahalaga kumpara sa kanyang edad ay ang “sterling record of service” ni Chief Justice De Castro—base sa mga salita ni Rep. Rudy Farinas. Sinabi naman ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III na madali lamang mailalatag ni De Castro ang kanyang mga ideya “[on] how to reform, how to expedite cases, how to improve the decisions, and how to insulate justices from corrupt practices.” Kahit pa 41 lamang na araw bilang punong mahistrado, kaya nitong magpatupad ng reporma sa mataas na korte, ani Sen. Escudero.
Kasama tayo sa mga naghahangad ng maayos na panunungkulan ni Chief Justice de Castro sa kanyang bagong posisyon sa Korte Suprema. Sa kanyang unang araw nitong Martes, ipinangako niya ang pangangalaga sa malayang hustisya, pagpapanatili ng pakikipagtulungan sa mga kapwa mahistrado at pagpapabilis sa resolusyon ng mga kaso mula sa mga trial court patungong Korte Suprema. Ang mga ito, higit sa kanyang kantandaan, ang dapat na maging palatandaan ng kanyang pagkakahirang bilang bagong punong mahistrado ng ating bansa.