ANG bawat Pangulo ng Pilipinas ay may tinatawag na Presidential Social Fund (PSF) na umaabot sa ilang bilyong piso. Tulong pinansyal ito ng Presidente sa mga organisasyon, o kahit sinong indibiduwal na
may pangangailangan sa buhay. Ang kadalasang nagproproseso nito ay ang PMS – Presidential Management Staff. Sa karaniwang pagkakataon ay sa nasabing tanggapan lumalabas ang pera kapag aprubado ng Pangulo ang isang proyekto.
Nagugunita ko, sinulatan ni Welson Chua (ama noong pinaslang na ROTC Cadet na si Mark Chua) si dating Pangulo at ngayon ay Senate Presidente Gloria Mcapagal-Arroyo, upang humingi ng P1 milyon bilang panustos sa programa ng aming grupong ‘Sulong ROTC’. Sinang-ayunan ito ni Arroyo at sa PMS namin nakuha ang paunang tseke na nagkakahalaga ng P500,000. Kasabayan namin na binigyan noon ang isang grupo ng Guardian’s Foundation. Hindi na namin nakuha ang balanse ng kabuuang halaga, dahil dumaan ang dalawang taon, kung tama ang aking pagkakatanda, ay inatake sa puso ang aking kaibigan, si Welson, at binawian ng buhay.
Kailangan kasi ng accounting at mga resibo ng gastusin sa programa upang maberipika ng PMS bago pa ibigay ang natitirang pera. Hindi na din makita ang ilang dokumento noon. Ang PSF ang pinagkukunan ng abuloy sa mga namatayang pamilya ng sundalo, pulis, at iba pa, kasama panlibing, housing, gamutan at kung anu-ano pa.
Ang naging pondo ni DU30 noong 2017 ay umabot sa P4.87 bilyon at 3,054 organisasyon ang natulungan niya, ayon sa COA. Ito talaga ang buhay serbisyo-publiko, mataas ka man na opisyal o kasapi ng lokal na pamamahala. Problema lang sa antas ng mga Local Government Units (LGUs), wala silang katumbas na social fund tulad sa Malacañang. Dapat sigurong magpasa sila ng ordinansa o kaya naman ay susugan ang Local Government Code para magkaroon ng ganitong uri ng pondo. Palaging nagaganap kasi ay kani-kanyang bunutan ng pera mula sa bulsa ng mga pulitiko. Tuloy, hindi lubusang natutulungan ang mga nangangailangan (palibing, ospital, atbp.) at palaging kapus ang tulong, dahil personal na pera ng pulitiko ang isinusuka.
Ito ang isang dahilan kung bakit napipilitang “dumiskarte” ang mga pulitiko sa kaban ng bayan. Bukod pa ang malaking kwarta para sa bawat kampanya, pambili ng boto, at pati resulta ng eleksyon.
-Erik Espina