Ipinagmalaki kahapon ng Philippine National Police (PNP) kahapon ang 25,884 bagong biling armas at kagamitan na nagkakahalaga ng P2,156,617,850 na inaasahang magpapalakas sa operational, intelligence, at administrative functions ng 190,000-strong police force.

Sinabi ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde na ang mga bagong kagamitan ay bahagi ng pagsasakatuparan sa Capability Enhancement Program (CEP) at modernisasyon ng national police force para sa calendar years (CYs) 2016, 2017, at 2018. Iprinisinta ang mga kagamitan sa PNP Heritage Park sa Camp Crame, Quezon City.

Sinabi ni Albayalde na 8,170 units ng caliber 5.56mm Galil Ace 22N basic assault rifles; 4,933 units ng 5.56 Emtan assault rifles; 231 units ng 7.65 mm Negev light machine gun; at 320 units ng 5.56mm Negev light machine gun ang ibibigay sa provincial mobile force companies para palakasin ang kanilang firepower.

Samantala, 1,920 units ng Turkey-made Canik TP9SF Elite-S caliber 9mm pistol ang ipamamahagi sa PNP Special Action Force (SAF) habang 10,000 pang units ng parehong baril ang ipamimigay sa mga bagong pulis.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Makukuha ng Highway Patrol Group (HPG) at Police Security and Protection Group (PSPG) ang 310 units ng brand new 650cc Kawasaki Versys motorcycle para palakasin ang kanilang mobility at response capabilities.

“These basic equipage, firearms and motorcycles, shall intensify the operational readiness and police visibility of our personnel,” ani Albayalde.

-Martin A. Sadongdong