Ikinokonsidera ng Malacañang ang muling pagpapalawig sa martial law na kasalukuyang umiiral sa Mindano, matapos ang insidente ng pambobomba sa Sultan Kudarat nitong Martes ng gabi.

Ito ang naging pahayag ni Executive Secretary Salvador Medialdea matapos ang pagpapasabog sa bayan ng Isulan, na ikinasawi ng dalawang taon, habang 34 na iba pa ang nasugatan.

Sa isang panayam, sinabi ni Medialdea na hindi magandang senyales ang pambobomba, dahil nalalagay sa panganib ang maraming buhay.

“‘Yung mga signs na ganito hindi maganda ‘yan, eh. Lives in danger na lang. Piyesta, pasasabugan lang. How would you feel?” pahayag niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Medialdea, susuriin muna ng Palasyo ang mga pagbabagong naganap bago magdesisyon kung kailangang irekomenda ang muling pagpapalawig sa martial law sa Mindanao, na ipatutupad sa rehiyon hanggang sa Disyembre 31, 2018.

“It’s an option but nandiyan ‘yun. We’re trying to make it as easy as possible. But kung ganito pa rin ang nangyari, anong gagawin natin? Upo lang tayo d’yan?” ani Medialdea.

Sa ulat ng pulisya, lumalabas na itinago ang bomba sa ilalim ng nakaparadang motorsiklo sa kahabaan ng national highway at sumabog bandang 8:34 ng gabi, malapit sa gasolinahan sa Barangay Kalawag 3.

Hindi pa natutukoy ang motibo sa pambobomba, na ginawa sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Hamungaya Festival para sa ika-61 anibersaryo ng pagkakatatag ng Isulan.

Matatandaang isinailalim ni Pangulong Duterte sa 60-araw na martial law ang buong Mindanao kasunod ng pagsalakay ng mga miyembro ng Maute-ISIS sa Marawi City, Lanao del Sur, noong nakaraang taon.

Nang matapos ang 60 araw na martial law, pinahintulutan ng Kongreso ang pagpapalawig nito sa anim pang buwan noong Disyembre, at muling na-extend hanggang sa huling araw ng 2018.

-Argyll Cyrus B. Geducos