Umakyat sa 65 porsiyento ang posibilidad na makakaranas ang bansa ng El Niño sa susunod na buwan.
Ayon kay Ana Liza Solis, OIC ng Climate Monitoring and Prediction Section ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy na nararanasan ng bansa ang “neutral
weather condition” na walang La Niña o El Niño.
Mararanasan umano ang ganitong uri ng panahon hanggang sa Setyembre.
Gayunman, sinabi ni Solis na may 65% tiyansa na maaaring mabuo ang El Niño sa pagitan ng Setyembre at Nobyembre.
“The chance an El Niño developing thereafter will increase further up to 78 percent in the first quarter of 2019,” ani Solis.
“We can expect drier condition in some parts of the country by the first quarter next year,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Ger Anne Marie Duran, PAGASA climatologist, na inaasahan ang pagpasok sa bansa ng dalawa o tatlong bagyo sa Setyembre.
Maaari umanong pumasok at tumawid ng Luzon ang mga bagyo sa Setyembre, pero maaaring lumihis ang iba.
-Ellalyn De Vera-Ruiz