Positibo ang naging tugon ng mga manufacturer ng mga pangunahing bilihin sa pagkilos ng gobyerno upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary for Consumer Protection Ruth Castelo, nakausap na nila ang mga kinatawan ng 235 produktong kabilang sa pinahabang listahan ng suggested retail price (SRP).
Hiniling ng gobyerno sa mga ito na huwag munang magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto sa loob ng tatlong buwan, o hanggang sa katapusan ng taon.
Sabi pa ni Castelo na malaki ang maitutulong ng nasabing hakbang para maprotektahan at matulungan ang ating mga kababayan laban sa banta ng pagtaas pa ng inflation rate, kakulangan ng bigas, at iba pang pangangailangan ng mga Pinoy.
Kinumpirma ni Castelo na nangako ang mga manufacturer ng kape, instant noodles, sabong panglaba, sabong pampaligo, toyo, patis, suka, at tinapay na hindi magtataas-presyo hanggang sa Disyembre ng taong ito.
-Beth Camia