BAYAD na sa “utang” si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa paghirang kay Teresita Leonardo-de Castro bilang Chief Justice ng Supreme Court. Ito ang impresyon ng mga kritiko, kalaban at ng taumbayan na sa ayaw at gusto ng kanyang tagapagsalita na si Harry Roque, ay umiiral ngayon. Maliwanag daw na “kabayaran” ang pagkakapuwesto ni De Castro sa pagkakapatalsik ni ex-SC justice Ma. Lourdes Sereno na na-quo warranto ni Solicitor General Jose Calida.
Sa kabilang dako, “sweet revenge” naman ito ni De Castro laban kay Sereno na sa mula’t mula pa ay kinaiinisan niya dahil naunahan pa siya sa puwesto. Ang dapat nating sisihin dito ay si ex-Pres. Noynoy Aquino kung bakit hinirang niya si Sereno na “hilaw” pa kumpara kina SC Senior Associate Justice Antonio Carpio at noon ay Justice Conchita-Carpio Morales. Dapat ay alinman kina Carpio o Morales ang hinirang ni Abnoy, este PNoy, pero iba yata ang kanyang pag-iisip.
Dalawang buwan lang manunungkulan si CJ De Castro at magreretiro na. Sino kaya ang hihirangin ni PRRD na kapalit niya? Bayad-utang din kaya ito? Tandaan natin na si De Castro, kasama ang pitong iba pang mahistrado, ang bumoto sa para mapatalsik kay Sereno sa bisa ng quo warranto petition ni Calida.
Katwiran ni Mano Digong sa paghirang kay De Castro, ang pinagbatayan ay seniority at hindi bunsod ng pulitika. Binigyang-diin ng ating Pangulo na sa kanyang panahon, ang seniority o pagiging una at tagal sa serbisyo, ang magiging batayan. Si De Castro ang pinaka-senior.
Kung natatandaan pa ninyo, sa bugso ng damdamin noon ni PDu30, sinabihan niya si Sereno na ituring siyang “kaaway” nito, at gagawin niya ang lahat para mapatalsik sa puwesto, na siya ngang nangyari. Gayunman, itinanggi niya at ni presidential spokesman Harry Roque na nakikialam ang Pangulo sa gawain ng isang kapantay na sangay ng gobyerno, ang Hudikatura.
Kapuri-puri ang patakaran ngayon ng Ateneo de Manila. Sa Ateneo de Manila Grade School, ang isang mag-aaral ay hindi puwedeng makapasa sa susunod na grado kung hindi siya matututo o mama-master ang Filipino language. Ito ay isang hamon sa maraming estudyante na ang first language sa Ateneo ay English.
Nais yata ng Ateneo de Manila ngayon na masiguro ang “student fluency in Filipino.” Para sa akin, bukod sa kapuri-puri ang patakarang ito, lubha ring katanggap-tanggap na maging bihasa ang mga mag-aaral sa ating lengguwahe.
Pinagtutuunan natin nang husto ang English language (bagamat ito ay tama), pero dapat din nating pagtuunan ng pansin ang sariling wika. Kayraming kababayan natin ngayon ang bulol at hirap sa English ay bulol at pilipit din ang dila sa sariling lengguwahe.
Ang nakakatawa pa nito o nakakainis, sa TV at radyo o sa ano mang forum, nanghihingi pa ng paumanhin ang isang guest kung mahina siya sa Filipino o Tagalog gayong salat din naman siya sa English language, kabilang na ang ating mga mambabatas at mga pinuno ng gobyerno.
-Bert de Guzman