SA pagpupulong nina United States President Donald Trump at North Korean Leader Kim Jong-Un nitong Hunyo 12, nagkaroon ng pag-asa ang buong mundo, kabilang ang Pilipinas, dahil tila nagbigay ito ng wakas sa banta ng digmaang nukleyar sa pagitan ng US at North Korea.
Kapwa ipinagyayabang ng dalawang lider ang kanilang kakayahang nukleyar at ang kanilang kahandaang gamitin ito sa isa’t isa. Pagkatapos nito’y nagkita sila sa Singapore at nakahinga nang maluwag ang buong mundo. Nilagdaan nila ang isang kasunduan na nangangako si Kim ng “complete denuclearization of the Korean Peninsula” habang si Trump naman ay sumumpa ng “security guarantees” para sa North Korea.
Sampung linggo na nang maganap ito at walang anumang positibong naiulat simula noon. Sa halip, nitong nakaraang Biyernes, iniutos ni Pangulong Trump kay State Mike Pompeo na kanselahin ang nakatakda nitong biyahe patungong North Korea, at binanggit ang kawalan ng pag-usad sa naging pulong. Sinabi rin niya na ang usapin ay nahahadlangan ng mapait na sigalot sa kalakalan sa pagitan ng US at China.
“I feel we are not making sufficient progress with respect to the denuclearization of the Korean Peninsula,” pahayag ni Trump. Nais niyang sabihin ng North Korea isa-isa ang mga konkreto nitong hakbang sa pagsira ng sarili nitong nuclear facilities.
Ngunit malinaw na nais ng North Korea na tugunan ng US ng kapantay na positibo ang pangako nitong denuclearization. Nananawagan ito sa US ng isang deklarasyon ng kapayapaan bilang bahagi ng garantiyang pangseguridad sa North Korea, ayon sa state-controlled na pahayagan. Sa halip, nakalathala sa pahayagan, na nagsasagawa ang isang special unit ng US sa Japan ng air drill na target mapasok ang Pyongyang na kabisera ng North Korea.
Palaging mananatili ang pag-asa hanggat mayroong pag-uusap na nagaganap. Ngayon na inihinto ito, tanging magagawa ng mundo ang magbantay at maghintay na magkasundo ang dalawang bansa na muling magharap. Sa kasamaang palad, nagtakda si US President Trump ng bagong kondisyon para sa muling pagbuhay ng negosasyon. Hindi magpapatuloy ang mataas na uri ng pagpupulong kasama ang Pyongyang, aniya, hanggat hindi naaayos ng US at China ang sigalot nito sa kalakalan. Kung sakaling manindigan ang US sa bagong kondisyon ni Trump, maliit lamang ang ating rason para umasa sa agarang pagkakasundo ng US at North Korea.
Ang natitirang positibong anggulo ng kabuuan nito ay ang magandang mga salita ni Pangulong Trump para kay Kim Jong-Un sa harap ng matigas na tindig ng opisyal. “I would like to send my warm regards and respect to Chairman Kim,” aniya. “I look forward to seeing him soon.”
Hindi natin maaasahan na agad na matatapos ang bilyong dolyar na ‘trade war’ ng US sa China, kaya naman hindi magiging isang salik ang China sa anumang usapang pangkapayapaan ng US at North Korea. Ngunit idinidikit natin ang ating pag-asa sa patuloy na magagandang salita ni Trump para kay Kim. Panibagong summit ang dapat na maging daan sa muling pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan at umaasa tayo para sa isang kasunduan na magbibigay wakas sa dekadang taon ng Digmaang Korea at mag-aalis sa banta ng digmaang nukleyar sa bahaging ito ng daigdig.