NABIGLA ang lahat, kabi-kabila ang sisihan at pagtuturuan nang biglang mawalan ng “buffer stock” ng bigas sa ilang malalaking siyudad sa Mindanao, at mas lumala ang sitwasyon nang masundan ito nang pagkawala ng rasyon ng murang bigas, na galing sa National Food Authority (NFA), para sa mahihirap at biglang magtaasan ang presyo ng mga “premium” na bigas sa merkado.
Ang sisi at mura na ibinato ng mga tao sa mga tanggapan ng pamahalaan – na siyang dapat managot sa problema – ay agad na ipinasa sa mga negosyanteng nagsu-supply ng bigas sa buong bansa.
At ito ang pinalakpakan ko – bagamat hindi makadepensa sa alegasyong sila ang dahilan ng pagkawala ng bigas sa merkado, kumilos ang mga negosyanteng ito at nagtulung-tulong na umangkat sa “rice miller at dealer” sa ibang bansa upang ibenta ng mura sa ating mga kababayan, sa panahong ito na unti-unti nang lumalaganap ang “krisis” sa bigas.
Ang hindi ko makalilimutan na pakiusap ni Jojo Soliman, pinuno ng Alliance of Grains Industries Stakeholders (AGRIS), sa mga mamamahayag na dumalo sa lingguhang Balitaan sa Maynila sa Bean Belt Coffee sa Dapitan street, Sampaloc: “Kalimutan po muna natin ang sisihan at pagtuturuan. Maraming kababayan natin ang nangangailangan ng tulong, kaya gumawa na po ang grupo namin ng paraan o solusyon sa problema. Nag-import kami ng premium na bigas at ini-repack namin sa tig-10 kilo pakete sa halagang P360 o lumalabas na P36 kada kilo, hamak na halos kalahati sa presyo ng nasa merkado sa ngayon.”
Kapuri-puri ang naging pagkilos na ito ng AGRIS, na sa halip na sumalag nang sumalag sa mga ibinibintang sa kanila ay gumawa ng paraan upang kahit papaano ay makatulong sa pamahalaan sa pagharap sa malaking problemang ito na kinakaharap ng ating bansa.
Tama ang paulit-ulit na tinuran ni Jojo -- isang batambatang negosyante na sinlaki na yata ng mundo ang problemang sinusuong sa negosyong minana pa niya sa kanyang mga ninuno – na walang mararating at makukuhang solusyon sa pagsisisihan at “finger-pointing” ng mga nasa pamahalaan.
Kaya simula noong Linggo ng tanghali, ay makabibili na ng mura at dekalidad na bigas sa mga palengke sa Maynila muna – at sa buong Metro Manila sa susunod na mga araw.
Ayon kay Jojo, inaangkat ng kanilang grupo ang “premium” white round rice sa Thailand, Vietnam, Pakistan, at India. Dagdag na pakiusap niya ay isa-isang supot lang ang pagbili – ‘wag mag-hoard sa mga bahay.
Dagdag pa niya, ang kanilang importasyon ng bigas na ito ay umaabot sa lima hanggang pitong milyong sako sa bawat shipment kaya hindi mauubusan ng supply – huwag lang itong i-repack ng mga tusong rice dealer at bagkus ay direkta itong ibenta sa mga consumer. ‘Yung mga negosyanteng gustong kumita, ay dumistansiya muna at itigil ang pananamantala, upang makarating ang murang bigas na ito sa mga taong nangangailangan.
Ipinagdiinan naman ni Cathy Estabillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, isang militanteng grupo na nagmo-monitor sa problemang ito sa bansa, na hindi na kailangan mag-import pa ng bigas dahil sa hindi tayo nakasisiguro sa kalidad ng mga ito kapag dumating na sa bansa. Gaya nga sa nangyaring inaamag ang mga saku-sakong imported na bigas sa mga bodega ng NFA bago pa man mailabas sa merkado.
Para naman sa tagapagsalita ng NFA na si Rex Estoporez, hindi direktang masasabing may kakulangan sa supply ng bigas sa bansa kaya tayo umaangkat. Aniya, ay may mga kalagayan kasing pinagbabatayan ang pamahalaan -- gaya ng climate change, populasyon, land conversion at ang pagliit ng bilang ng mga magsasaka – kaya napagdesisyunang umangkat ng bigas sa ibang bansa.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.