Pinag-aaralan na ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na buwagin ang National Food Authority (NFA).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa ilalim ng isinusulong na rice tarrification bill ay maaari nang mag-angkat ng bigas ang lahat, at lalagyan na lang ito ng taripa.
Sa ganitong paraan, aniya, mawawalan na ng saysay ang NFA, kaya maaari na itong buwagin.
“Ito naman po ang direksiyon na tinatahak natin, dahil iyong panukalang batas na tariffication po, kapag nagkaroon na ng tariffication, pupuwede nang mag-angkat ng mga bigas ang lahat at lalagyan na lang ng taripa,” sabi ni Roque.
“Mawawalan po talaga ng saysay na ang NFA. So, patungo na po tayo sa direksiyon na baka mabuwag na nga ‘yang NFA, dahil nakikita natin na ‘yung mga quota-quota, ‘yung monopolya pagdating sa pag-angkat, eh, ‘yan po ay hindi nagbibigay ng solusyon sa ating mga problema pagdating sa kakulangan sa ating bigas,” dagdag pa niya.
Ito rin ang nakikinita ni Senator Cynthia Villar sa oras na nawalan na ng limitasyon sa rice importation.
Matatandaang kamakailan lang ay pumasa na sa ikatlo ang huling pagbasa sa Kamara ang rice tariffication bill, at sinabi ni Villar titiyakin niya ang pagtalakay ng Senado sa nasabing panukala.
Ayon kay Villar, chairperson ng Senate committee on agriculture and food, kapag ganap nang naging batas ang panukala, pagdedesisyunan na ng Department of Finance kung ang NFA “is still relevant to the system”.
Gayunman, tutol si San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa pagbuwag sa NFA, sinabing tanging ang ahensiya lang ang nabibilhan ng mahihirap ng murang bigas.
“Siguro, mahalagang tutukan ng pamahalaan ang pamunuan ng NFA, kasi nakakatulong naman ito sa mamamayan. Dapat maalis ‘yung kurapsiyon sa ahensiya para maging maayos ang pamamalakad nito,” sinabi ni Mallari sa panayam ng Radio Veritas.
Hinamon naman kahapon ni House appropriations committee chairman Rep. Karlo Nograles si NFA Administrator Jason Aquino na aksiyunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at kakulangan nito sa pamilihan.
“The NFA Administrator is right; we legislators should go out in the field and really look into the problems in the rice industry. The short recess of Congress provided an opportunity to go to our markets and learn firsthand about the prices and supplies of rice––and what I discovered is very worrisome,” ani Nograles.
Nitong Biyernes ay hinamon ni Aquino ang mga mambabatas na maglibot sa iba’t ibang lugar sa bansa upang malaman ang mga isyu tungkol sa bigas.
May ulat nina Mary Ann Santiago at Bert de Guzman
-BETH CAMIA at VANNE ELAINE P. TERRAZOLA4