Inaprubahan ng pamahalaan ang limang hakbangin, kabilang ang pagsuspinde sa special safeguard duty sa mga inaangkat na sibuyas at karne ng manok at masusing monitoring sa pag-aangkat ng gobyerno ng bigas, upang maibsan ang epekto ng lumolobong inflation.
Ito ang napagpasyahan ng mga economic manager at iba pang opisyal ng Gabinete ni Pangulong Duterte, makaraang tanggihan ang panukalang bawasan ang import tariffs sa isda at karne.
“Nagkaroon na po ng pagpupulong ang ating mga economic managers kasama po ang Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, DOLE, Foreign Affairs at saka ang Tariff Commission, ‘no,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque. “Nagkaroon po sila ng desisyon, ang pagbaba po ng taripa ay hindi talaga magbababa ng mga halaga ng mga bilihin, lalo na ang mga pagkain.
“So ang ginawa po nilang mga pamamaraan para po mapababa ang presyo, unang-una nga po iyong pag-approve ng pag-i-import ng galunggong, ‘no. So iyan po ay ongoing as we speak,” dagdag ni Roque.
Bukod sa pag-aangkat ng galunggong, sinabi ni Roque na pansamantala ring sususpendihin ng pamahalaan ang special safeguard sa ilang inaangkat na sibuyas at karneng manok upang mapababa ang presyo ng mga ito.
Sinabi pa ni Roque na binigyan ng Department of Agriculture ang mga importer ng isang buwan upang ma-maximize ang kanilang import quota allocations.
Magsasagawa rin ng “regular inspections” sa mga bodega ng mga nag-aangkat ng gulay, ayon kay Roque.
Masusi ring tutugaygayan ng pamahalaan ang pag-aangkat ng bigas, ayon kay Roque.
-Genalyn D. Kabiling