Nakatakdang maghain sina Health Secretary Francisco Duque III, dating Health Secretary Janette Garin at kanilang co-respondents ng kani-kanilang rejoinders sa Department of Justice (DoJ) na nagpapasinungaling sa mga alegasyon na dapat silang managot sa pagkamatay ng siyam na batang tumanggap ng Dengvaxia anti-dengue vaccine.
Itinakda ni Assistant State Prosecutor Maria Emilia Victorio, namumuno sa panel na nagsasagawa ng preliminary investigation ng mga reklamo laban sa kanila, ang schedule ng paghahain ng rejoinders ngayong Huwebes.
Iniimbestigahan ng panel ang criminal complaints na magkahiwalay na inihain ng mga pamilya ng siyam na batang namatay, na sina Aejay Bautista, Anjielica Pestillos, Lenard Baldonado, Zandro Colite, Abbie Hedia, Jansyn Art Bataa, Mark Axel Ebonia, Reijazztine Justin Alimagno, at Alexander Jaime.
Ang paghahain ng rejoinder ay indikasyon na malapit nang matapos ang preliminary investigation.
Sa mga reklamo, inakusahan ng mga pamilya ang respondents ng reckless imprudence resulting to homicide sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code (RPC); torture resulting to the death of a person and the torture of a child sa ilalim ng Republic Act 9745, o Act Penalizing Torture and Other Cruel, Inhuman and Degrading Treatment; obstruction of justice sa ilalim ng Section 1(b) of Presidential Decree 1829; at paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019, ang Anti- Graft and Corrupt Practices Act.
Si Garin ay pinangalanan sa lahat ng reklamo, habang si Duque ay respondent sa dalawang complaints.
Kabilang din sa mga inakusahan ang ilang opisyal ng DoH, Food and Drug Administration (FDA) at ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), executives of Dengavaxia manufacturer Sanofi Pasteur Inc. at distributor na Zuellig Pharma Corporation.
-Jeffrey G. Damicog