PINANGUNAHAN ni Agriculture Sec. Emmanuel Piñol nitong Sabado ang pagbubukas ng “Bigasang Bayan” na magbibigay ng mura ngunit de kalidad na uri ng bigas, gayundin ang ibang produkto para sa mga mamimili.
Isinagawa ang paglulunsad isang araw makaraang ideklara ni Piñol na tapos na ang krisis sa bigas sa Zamboaga, kasunod ng pagdating ng dagdag na supply mula sa mga kalapit na probinsiya, gayundin ang galing sa National Food Authority (NFA).
Ayon kay Piñol, maganda ang kalidad ng bigas na ibinebenta sa center dahil ang uri nito ang inangkat ng pamahalaan, sa pamamagitan ng NFA mula Thailand na ibinebenta sa P27 kada kilo.
Pagbabahagi ng kalihim, ang pagbubukas umano ng Bigasang Bayan ay layong maitaas ang supply at mapababa ang presyo ng bigas sa lungsod. Daan-daang residente ng lungsod ang agad na pumila upang makabili ng mas murang bigas sa pagbubukas ng center.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Piñol na hindi agarang maaapektuhan ang presyo ng komersyal na bigas sa pagkakaroon ng dagdag na supply, na ipinuntong ibinebenta ng mga negosyante ang butil base sa capital at iba pang gastos sa produksiyon.
“It (arrival of rice stocks) will slowly bring down the price of rice (in this city),” aniya.
Bukod sa bigas, iba pang produktong pang-agrikultura ang mabibili sa center kabilang ang mga gulay, halamang ugat, at mga prutas.
Samantala, isa pang kargamento ng 180,000 sako ng NFA rice ang dumating mula sa Thailand nitong Biyernes para higit pang maparami ang supply ng bigas. Sa kabuuan, 80,000 sako ang inilaan sa lungsod habang 90,000 para sa probinsiya ng Zamboanga Sibugay, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Ang natitirang 10,000 sako ng bigas ay magsisilbing buffer stock na gagamitin sa mga emergency cases ng social welfare department at ng iba pang kaugnay na ahensiya ng pamahalaan.
Matatagpuan naman ang Bigasang Bayan sa compound ng Bureau of Plant Industry (BPI), isang kadikit na ahensiya ng Department of Agriculture (DA), sa Corcuera Street – sa likod ng kapitolyo.
PNA