Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 75-anyos na resort owner sa kamay ng bago niyang helper, na matapos siyang pagnakawan ay hinambalos pa siya ng matigas na bagay sa mukha na kanyang ikinasawi, sa kanyang farm resort sa Baras, Rizal, nabatid kahapon.

Nadiskubre ni Michael Naval, 44, ang bangkay ng biyenang si Trinidad Varela, 75, negosyante, at may-ari ng Hillside Farm Resort sa Barangay Pinugay, Baras.

Itinuturong suspek sa krimen ang helper na si Ramilo Norberto, 24, na isang linggo pa lang umano na nagtatrabaho sa naturang farm resort, at pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad.

Batay sa ulat ng Baras Municipal Police sa tanggapan ni Rizal Police Provincial Office director Senior Supt. Lou Frias Evangelista, nabatid na dakong 9:00 ng umaga nitong Lunes nang madiskubre ni Naval ang bangkay ng biktima sa resort.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa imbestigasyon naman ni PO3 Mark Anthony Lopez, natukoy na si Norberto ang may kagagawan ng krimen, matapos na makita sa CCTV footage na puwersahan nitong pinasok ang bahay ng matanda at ninakaw ang hindi pa batid na halaga ng pera ng negosyante.

Posible umanong nagising ang matanda at naaktuhan ang suspek, kaya hinampas ito ng matigas na bagay sa mukha bago tumakas.

-Mary Ann Santiago