HINDI nag-resign o tinanggal si Rey Valera bilang pinunong hurado sa “Tawag ng Tanghalan” segment ng It’s Showtime.

Rey

May mga lumabas na balitang tinanggal si Rey bilang pinunong hurado dahil sa mali-mali umano nitong desisyono ‘yung kahit maganda ang boses at tama naman ang pagkanta ng contestant ay pinapa-gong niya, hudyat na hindi pasado sa kanya.

May nagsabing nag-react na raw ang ibang hurado ng TNT na sina Nyoy Volante at Yeng Constantino sa minsan ay mga mali raw na desisyon ni Rey, pero dahil punong hurado kaya siya ang may final say.

Tsika at Intriga

Gretchen kumain ng 'piattos' habang pinanonood si PBBM: 'The New Teleserye'

Tinanong namin ang business unit head ng It’s Showtime na si Ms Merce Gonzales tungkol sa isyung ito.

“Hindi po totoong nag-resign o tinanggal namin si Sir Rey. Humingi po siya ng bakasyon kasi po may mga show siya abroad. Actually, nandito na po siya sa Pilipinas, nagpapahinga lang at babalik na siya bilang punong hurado sa Setyembre 1 (Sabado).

“’Yung tungkol po sa sinasabing pinapa-gong niya ang contestants maski tama ang pagkakanta, kanya-kanya po silang panlasa, eh. Kung mapapansin ninyo, may bilang sila na kapag umabot na sa tatlo ang mali saka pinapa-gong ni Sir Rey.

“Yung ibang hurado po, pareho rin ni sir Rey na may iba-iba silang gusto rin, but since si sir Rey ang head, siya po ang masusunod kung sino ang papanalunin. Wala pong favoritism doon,” malumanay na paliwanag ni Ms Merce sa kabilang linya.

Nabanggit namin na ang sikat na Cebuana singer na si Ms Dulce ang kapalit ni Rey bilang punong hurado. At may nagreklamo na ipinanalo raw nito ang contestant na nagsintunado pero hindi na-gong. Naantig daw kasi ang puso ng mahusay na mang-aawit sa kuwento ng buhay ng contestant kaya ipinasa.

“Guest lang po si Ms Dulce that time bilang punong hurado. Baka po nagsintunado, pero bumawi naman. Sabi ko nga po, may bilang sila, kung isang beses lang pumalpak at umokey na hindi na nakadalawa, doon siguro ibinase ni Ms Dulce,” paliwanag ulit ng TV executive.

Nabanggit namin na bakit hindi sa regular TNT judges kumuha ng punong hurado at base sa pagkakaalam namin ay hindi regular si Ms Dulce.

“Guest lang po siya. Actually, lahat naman po naging punong hurado na, umiikot po, seniority po ‘yun. Kung sino po ‘yung present na nasa show at mas senior ay nagiging punong hurado, like sina Gary V (Valenciano), Jaya, Yeng. Depende po talaga, seniority po, eh,” katwiran sa amin ni Ms Merce.

Hayan, klaro na hindi totoong nawala o mawawala si Rey Valera sa Tawang ng Tanghalan bilang punong hurado, at babalik na siya sa show sa Sabado.

-Reggee Bonoan