Nasa mahigit 2,000 pamilya ang apektado ng habagat, na pinalakas ng bagyong ‘Luis’ sa Region 1 at Cordillera, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sinabi ni Undersecretary Ricardo B. Jalad, executive director ng NDRRMC at concurrent administrator ng Office of Civil Defense (OCD), na may kabuuang 2,441 pamilya, o nasa 11,155 katao, ang apektado sa 61 barangay sa Region 1 at Cordillera.
Sa naturang bilang, nasa 199 na pamilya, o 825 katao, ang tinutulungan sa loob at labas ng mga evacuation center.
Ayon kay Jalad, nasa 15 bahay ang nasira ng kalamidad, may siyam na insidente ng landslide, at 98 lungsod at bayan ang nagsuspinde ng klase nitong Biyernes, habang 29 na lugar ang binaha sa dalawang rehiyon.
Patuloy namang uulanin ang hilaga at gitnang Luzon ngayong Martes dulot ng paglakas ng habagat, ayon kay Meno Mendoza, weather specialist ng
Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
-Francis T. Wakefield at Ellalyn De Vera-Ruiz