Binigyang-diin ng isang mambabatas na higit na dapat katakutan ang banta ng tumitinding kalamidad na nananalasa sa bansa kaysa bantang pagbibitiw sa puwesto ng isang opisyal ng gobyerno kaugnay ng itinatakda ng panukalang Department of Disaster Resilience (DDR).

Ito ang iginiit ni Albay Rep. Joey Salceda, may akda ng panukala, kaugnay ng banta ni Department of Science and Technology (DoST) Secretary Fortunato dela Peña na magbibitiw na lang sa tungkulin dahil kontra ang kalihim na isailalim sa bubuuing bagong kagawaran ang dalawang ahensiyang saklaw ng DoST.

Batay sa panukala, ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), na parehong nakapaloob sa DoST, ay isasailalim na sa lilikhaing DDR.

Pinagtibay na ng tatlong komite sa Kamara ang nasabing panukala, at pinaglaanan na rin ng P21-bilyon budget.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’