NAG-TRENDING ang segment na Meet Super Nino ng Kapuso Mo Jessica Soho, kung saan tampok ang isang walong taong gulang na si Nino Dayon, mula sa Kabankalan City, Negros Occidental, na nagmamartilyo, nagpapalakol at naglalagare ng kahoy, kahit na putol ang dalawa niyang kamay. Mas maikli ang kaliwa niyang braso kaysa kanan.

Alden at Nino

Ipinanganak si Nino na wala nang mga kamay, pero hindi ito naging hadlang para hindi niya magawa ang mga bagay na puwede niyang gawin, sa pamamagitan ng kanyang mga paa, at sa tulong ng kanyang kanang braso. Nag-aaral din siya at isa pang honor student, kahit na kung minsan ay nabu-bully ng mga batang mag-aaral at mga taong nakakakita sa kanya sa kalye. Hindi rin kasi maayos ang bibig ni Nino kaya hindi masyadong malinaw ang kanyang pagsasalita. Pero ayon sa bata, kapos man ang kanyang katawan, matalino raw naman siya.

Dahil sa kapansanan ay may sariling upuan si Nino sa school para makapagsulat siya sa pamamagitan ng kanyang kaliwang paa. Nakakaya rin niyang maglaro sa pamamagitan ng pagbibisikleta. Gumagawa rin siya ng sariling laruan kahit pa masugatan siya, mahilig kasi siya sa laruang kotse. Pero ang dasal ni Nino, magkaroon sana siya ng mga kamay para makatulong pa siya sa kanyang mga magulang, bukod sa mga gawaing bahay. Minsan daw ay ipinagdarasal niya iyon pero paggising daw niya ay putol pa rin ang kamay niya.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Isa pa sa wish ni Nino, ay ang makita nang personal si Alden Richards, dahil tulad daw niya ay nagliligtas ito ng buhay at tumutulong sa mga naaapi. Tulad din daw niya na may martilyo si Alden.

Ayon sa ama ng bata, iyon daw ang libangan ni Nino, ang manood ng Victor Magtanggol. Hindi mo raw puwedeng ilipat sa ibang programa ang TV nila, dahil magagalit ang anak.

Tinupad naman ng Kapuso Mo Jessica Soho ang hiling ni Nino at dinala siya sa Manila para bumisita sa taping ng Victor Magtanggol.

Hindi makapaniwala si Nino nang makaharap niya nang personal si Alden, at sabi niyam mabait at pogi ang aktor. Hindi naman binigo ni Alden si Nino dahil may special surprise siya sa bata. Isang customized chair para hindi na siya mahirapang magsulat. Tinulungan pa nga ni Nino si Alden na ikabit ang isang part ng upuan.

Gayundin, nagpapagawa si Alden ng replica ng Mjoliner, ang martilyong ginagamit ni Alden sa serye.

Nabigla at napaluha naman ang nanay ni Nino nang ihayag pa niya ang isa pang regalo sa bata.

“Since Grade 3 pa po lamang si Nino, matagal-tagal pa siyang mag-aaral kaya sasagutin ko na ang education niya hanggang college niya,” sabi ni Alden. “Aayusin ko na lang po kung paano ninyo matatanggap ang pera para sa pag-aaral niya.”

Isa kasi sa advocacy ni Alden ay ang pagtungkol sa edukasyon ng mga batang walang kakayahang makapag-aral dahil sa kakapusang pinansyal.

God bless you more, Alden.

-Nora V. Calderon