Hindi bababa sa 19 na bahay ang nasira sa pananalasa ng ipu-ipo sa tatlong bayan sa Ilocos Sur, kasabay ng malakas na buhos ng ulan na dulot ng habagat, na pinaigting ng bagyong ‘Luis’.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Romeo D. Buenavista ng Sta. Lucia, Ilocos Sur, bandang 4:00 ng hapon nitong Sabado nang tumama ang ipu-ipo Barangay Paoc Norte, at 11 bahay ang nasira, pito sa mga ito ang nawasak.

Masuwerte namang ligtas at walang nasugatan sa 11 apektadong pamilya, at kasalukuyang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak.

Isa pang ipu-ipo ang nanalasa sa Barangays Gabot Norte at San Jose, parehong sa bayan ng Sta. Cruz, bandang 4:20 ng hapon nitong Sabado, kung saan isang bahay ang nawasak habang dalawa ang bahagyang napinsala.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nanalasa rin ang ipu-ipo sa barangay ng Katipunan, Masadag, Macabiag at Marnay, pawang sa Sinait, nitong Biyernes, at limang bahay ang nasira.

Agad namang inalerto ni Ilocos Sur Governor Ryan Luis V. Singson ang mga miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) para sa pamamahagi ng tulong sa mga apektadong pamilya.

-Freddie G. Lazaro