KAPAG may banta ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto sa merkado, lalo na ng mga pagkain, ay siguradong laman ng mga palengke at malalaking supermarket ang mga tauhan ng Department of Trade and Industries

(DTI) upang i-monitor ang kanilang itinakdang Suggested Retail Price (SRP) ng mga paninda.

Kalimitan, ang SRP ng mga itinitinging produkto ay naka-imprenta sa pakete, bote, galon at iba pang lalagyan nito. Ito ay ang presyo ng isang produkto, na dapat manatili hanggang mabili na ng mga consumer -- at ito ang palagiang binabantayan ng mga operatiba ng DTI.

Malaking tulong ito para sa mga kababayan natin na ang sistema ng pamumuhay ay ang mga tinatawag na “isang kahig, isang tuka” o mga taong ang kinita sa buong araw ng pagtatrabaho, ay saktong panggastos din lang para sa isang buong araw – at ang SRP ay nakatutulong sa araw-araw nilang pagba-budget.

Pero teka muna, sila nga ba talaga ang nakikinabang sa SRP? Ang aking sagot --- malutong na HINDI!

Ang mga tao, na kagaya kong madalas na bumili sa mga munting tindahan o sari-sari store ay madalas na magoyo ng lintik na SRP na ito na tuksong nakasulat pa ng BOLD sa mga pakete ng mga produktong tinitingi.

Subukan ninyong pumunta sa katabi ninyong tindahan at bumili ng sachet ng shampoo o kaya ay instant na 3 in 1 coffee – ang SRP ng mga ito ay siguradong may patong na mula piso hanggang tatlong piso! Kapag umangal ka, ang isasagot lang sa ‘yo ay ganito: “Yung patong nila ay para sa transportation at konting tubo nila para naman kumita!”

Pinapatungan nila dahil ang SRP ng mga panindang ito ay ang mismong presyo kapag binibili nila sa mga wholesaler – kaya maliwanag na hindi totoong ang mga consumer ang nakikinabang sa SRP, bagkus ay ang mga maliliit na negosyanteng kung bumili ay maramihan naman sa mga malalaking supermarket at grocery.

Sa ganitong kalagayan kasi, kung sino pa ‘yung kapos sa pambili ng araw-araw nilang pangangailangan, ay siya pang napahihirapan dahil sa kung ilang pisong patong sa SRP ng mga produktong pang-masa – ang mga tunay na consumer na ito ang dapat na makinabang sa SRP dahil sila ang nakararami at tunay na nangangailangan ng tulong mula sa ating pamahalaan.

Kadalasan pa nga, sa mga palengke ay madalas na nakaririnig ako ng umaangal na consumer sa mga nagtitinda at sinasabing sa balitang nabasa nila sa mga pahayagan o napanood nila sa telebisyon , ay dapat ang presyo ay ganito lamang – ang masakit sa tengang sagot na madalas kong marinig sa mga tindero ay ganito: “Mura pala sa diyaryo saka telebisyon eh di doon ka na lang sa kanila bumili!”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].

-Dave M. Veridiano, E.E.