MAPAPAYUHAN ang mga overseas Filipinos ng mga eksperto tungkol sa iba’t ibang isyung kinakaharap nila, sa KABAYANi Talks, streaming via TFC online (www.TFC.tv), na may simulcast streaming sa ABS-CBN Middle East Facebook page, at TFC Europe Facebook page.
Kaakibat ng pakikipagsapalaran ng mga Pinoy sa Middle East at Europe ang iba’t ibang isyu na kanilang kinakaharap, tulad ng pamumuhay sa lugar na may ibang kultura, tamang pangangasiwa sa kinikitang pera, job security, at paghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Ilan lang ito sa mga usaping kinakaharap ng mga Pinoy abroad, at higit na malaking problema ang kakulangan sa kaalaman at impormasyon kung ano ang dapat gawin at sino ang dapat lapitan kapag nahaharap sa ganitong mga sitwasyon.
Ito ang tutugunan ng ABS-CBN Global sa paglulunsad ng KABAYANi Talks, na mapapanood sa iba’t ibang platforms ng TFC.
“We realize the ongoing and new challenges that our overseas Filipinos are struggling with amidst the current socio-political situation in the region. KABAYANi Talks is one of the interactive platforms we will launch to address these needs to become more responsive to the people we serve. It will be available across social media platforms where they are already part of,” pahayag ni Joseph Arnie Garcia, ABS-CBN Global Managing Director for Europe, Middle East and Africa (EMEA).
Ang KABAYANi Talks ay isang public service program na gagabay sa mga Pinoy sa Middle East at Europe para makakuha ng mga tamang impormasyon na makatutulong sa kanilang mapalago ang kanilang career at makapagplano para sa hinaharap habang nasa ibang bansa.
Hosted by Jasmin Romero, tinalakay sa unang episode ng KABAYANi Talks nitong Sabado ang tungkol sa paghahanap ng oportunidad sa ibang mga bansa, at nag-streaming sa TFC online (www.TFC.tv), na may simulcast streaming sa ABS-CBN Middle East Facebook page at TFC Europe Facebook page.