IPINABUBUWAG na ni Senador Win Gatchalian ang National Food Authority (NFA) bunsod ng kakulangan ng bigas na dinaranas ngayon ng bansa. Inutil, aniya, ito.
Tungkulin kasi nito ang gawing sapat ang bigas na kailangan ng bansa at panatilihing matatag ang presyo nito. Ang napakalaking problema ngayon ng mamamayan ay sobra ang itinaas ng presyo nito. Hindi na sapat ang bigas para sa kanilang pangangailangan. Ayon kay Gatchalian, nalugi ng 150 bilyong piso ang NFA nitong 2017. Ang kita nito ay bumagsak ng 38 porsyento o 17.93 bilyong piso mula 29.3 bilyong piso. Samantalang, aniya, sa mga korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno, sa subsidiyang 92.72 bilyong piso sa mga ito, ang NFA ang tumanggap ng pinakamalaking pondo na nagkakahalaga ng 5.2 bilyong piso nitong 2018. Sa halip na gamitin daw nito ang salapi para sa pangangailangan ng bansa, ipinambayad ito ng kanyang mga utang. “Panahon na para buwagin ang inutil na ahensiyang ito at gamitin ang pera ng bayan para sa mas mabuting layunin”, dagdag ng Senador.
Isinisisi naman ni Sen. Francis Pangilinan ang krisis sa bigas sa kurapsyon at kawalan ng kakayahan ang mga opisyal ng NFA. Pinasisibak niya ang mga ito. Kasi naman, sa Zamboanga, nagdeklara ng state of calamity ang pamahalaang lokal nito dahil sa kakulangan ng supply ng bigas. Umabot na sa 70 piso ang bawat kilo nito. Hindi raw dapat hinayaang mangyari ito ng NFA, lalo na sa panahong ibinubuhos ng gobyerno ang tulong sa Mindanao na bayan ni Pangulong Digong. “Paano nangyari na may rice shortage sa masaganang lugar sa ilalim ng Pangulo na taga Mindanao? Totoo bang ito ay shortage? Hindi ba ito hoarding? Sino ang mga responsable sa naganap na ito na umabot sa lebel ng kalamidad ang sitwasyon sa Zamboanga? Paano ito malulutas?”, wika ni Pangilinan.
Ang martial law na pinalawig ng Pangulo hanggang sa huling araw ng taong ito ay umiiral sa Mindanao. Nagkaroon ng state of calamity sa Zamboaga na nasa ilalim ng martial law. Ang ibig bang sabihin ay walang bisa ang martial law para malapatan ng lunas ang krisis sa bigas? Kapag kinulang ang supply ng bigas at ang presyo nito ay halos hindi makaya ng taumbayan, na siyang nangyayari ngayon sa Zamboaga, isang maliwanag na banta ito sa seguridad. Kung totoo na iniimbak para maipit ang paglabas ng bigas sa taumbayan upang ang presyo nito ay tumaas, pananabotahe na ito. Kung kurapsyon ang nagbubunsod sa mga taong nasa loob at labas ng gobyerno upang manipulahin ang supply at presyo ng bigas, mabigat na pagkakasala ito sa taumbayan. Para din silang mga terorista. Bakit hindi gamitin ng Pangulo ang kanyang martial law? O wala na siyang kontrol sa gobyerno dahil sa kanya umanong karamdaman?
-Ric Valmonte