UPANG makalikha ng inclusive at violence-free na paaralan sa buong bansa, inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang unang National Child Protection Summit sa Pasay City, kamakailan.

Ang dalawang araw na summit ay pinagtulungan ng DepEd, United Nations Children’s Fund (UNICEF) Philippines at Child Network Foundation, Inc., na layuning magpagsama-sama ang mga panloob at panlabas na stakeholders ng edukasyon upang talakayin ang proteksiyon sa mga bata at pagtukoy sa mga estratehiyang magagamit na magpapalakas sa implementasyon ng DepEd Order No. 40 series of 2012 o ang Child Protection Policy.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ang bullying ay isang realidad sa paaralan at online na nakaaapekto sa mga kabataan sa buong bansa sa iba’t ibang paraan.

Ipinunto ni Briones na may magagawa ang mga magulang, guro, child protection advocates at ang komunidad upang malabanan ang epekto ng bullying sa pamamagitan ng aktibong pagsusulong ng karapatan sa proteksiyon ng mga bata.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“DepEd and its partners, like UNICEF and Child Protection Network, have never wavered in the commitment to ensure that all Filipino children are in a child-friendly, gender-sensitive, safe, and nurturing environment where they learn the value of respect for one another, regardless of their background,” aniya.

Kasama ng pagbanggit sa patuloy na paglago ng bilang ng mga kabataang Pilipino na nakararanas ng bullying sa kasalukuyan, hinikayat ni UNICEF Philippines representative Lotta Sylwander ang mga magulang at guro na maging aktibo sa pakikilahok sa mga kampanya laban sa karahasan sa mga bata sa buong bansa.

“It is alarming that many children experience cyber-bullying and this calls for urgent action from all stakeholders. I encourage you to help ensure that children, whether at home, school or online, should be protected at all times,” pahayag ni Sylwander.

Sa isang panayam, sinabi ni DepEd Officer-in-Charge for Legal Affairs Undersecretary Josephine Maribojoc na nananatiling mahirap ang pagtukoy sa mga batang biktima ng pang-aabuso para sa ahensiya.

“Ang isang balakid dito sa pagtulong sa mga bata ay iyon pong pagre-report o paglabas ng bata para sabihin ang tungkol sa pang-aabusong ginawa sa kanya. Kaya nga sinasabi natin na mahalaga na our children are empowered. (It is) very important that they are aware of their rights, (that) they know their rights, and that they can claim these rights. This is one thing we’re strengthening in DepEd -- the rights and education of our children,” paliwanag ni Maribojoc.

Bahagi ng summit ang presentasyon ng mga inisyal na resulta sa monitoring at ebalwasyon ng DepEd’s Child Protection Program na may kaugnayan sa kakayahan nito sa pagbuo ng component at ang kalagayan ng mga katutubong bata, mga batang naiipit sa mga labanan, mga batang nanganganib, at mga out-of-school youth.

PNA