Kinumpirma ng Civil Aviation Airport Authority (CAAP) na ipinadala na sa Singapore ang blackbox at cockpit recorder ng eroplano ng Xiamen Airlines na sumadsad sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City, kamakailan.
Sa weekly forum sa Pasay City, ipinaliwanag ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio na sa Singapore ide-decode ang blackbox, at tatagal ito ng limang araw.
Aniya, siyam na araw nang normal ang operasyon ng NAIA Terminal 1 matapos ang tatlong araw na pagsasara ng runway ng airport dahil sa insidente.
Nagnegatibo na rin, aniya, ang resulta sa isinagawang drug at alcohol tests sa pilotong Korean, 60 anyos, at co-pilot nitong Chinese, 28 anyos.
Sa isyung nabagalan ang publiko sa isinagawang clearing operations sa sumadsad na eroplano na naglalaman ng toneladang fuel, iginiit ni Apolonio na may sinusunod silang protocol, at naging problema rin aniya ang masamang panahon.
Dahil sa insidente, aabot sa 682 international at domestic flights ang naapektuhan at libu-libong pasahero ang natengga ang biyahe.
-Bella Gamotea