SA kalendaryo ng kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, ang huling Lunes ng Agosto na Buwan ng Nasyonalismo ay mahalaga at natatanging araw sapagkat iniuukol ito sa paggunita at pagdiriwang ng Araw ng mga Pambansang Bayani. Ang sentro ng pagdiriwang ay gagawin sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City at pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa kaaysayan, ang pagdiriwang ng Araw ng mga Pambansang Bayani ay sinimulan matapos pagtibayin noong Oktubre 28, 1931 ng Lehislatura ng Pilipinas, na ang huling Linggo ng Agosto ay pagdiriwang ng Araw ng mga Pambansang Bayani. At mula noon hanggang 2006, ay hindi binago ang pagdiriwang. Ngunit noong 2007 ay inilipat ang pagdiriwang sa araw ng Lunes at ipinahayag na isang non-working holiday. Ang paglilipat ay ibinatay sa isinasaad ng Republic Act No. 9294 na nag-aatas na ang pagdiriwang ng mga holiday na walang religious significance ay maaaring ilipat sa araw ng Lunes.
Ang mga bayani ay ang huwaran ng mamamayan sa kanilang matapat at maalab na pag-ibig sa bayan. Mababanggit nating mga halimbawa sina Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Marcelo H. del Pilar, Apolinario Mabini, Emilio Jacinto, Gregorio del Pilar at iba pang mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay alang-alang sa kalayaan na tinatamasa at inaalagaan natin ngayon.
Ang dalawang klasikong nobelang “Noli Me Tangere”at “El Filibusterismo” na isinulat ni Dr. Jose Rizal ang nagmulat sa mga Pilipino noong panahon ng mga prayle sa kanilang mali at masamang pamamahala. Ngunit naging mitsa ito ng pagdakip sa ating pambansang bayani. Ikinulong sa Fort Santiago at matapos ang kunwa-kunwariang paglilitis (mock trial) ay humantong sa pagbaril kay Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan (Rizal Park na ngayon) noong umaga ng Disyembre 30, 1896.
Ang pagkatatag naman ng Katipunan ni Andres Bonifacio ang naging simula ng Himagsikan noong 1896. Ang mga plano sa Himagsikan ni Andres Bonifacio, kasama ang mga rebolusyonaryong taga-Rizal ay ginawa sa kuweba ng Pamitinan sa Montalban, Rizal (Rodriguez na ngayon). At naganap ang “Sigaw sa Pugad-Lawin”.
Ang buhay ng mga bayani ay nagpakita ng ideyal na alintuntuning moral para sa kasalukuyang henarasyon. Sila ang huwaran ng mamamayan sa pag-ibig at pagmamahal sa bayan. Ang mga bayani ang nagbibigay ng inspirasyon sa paghahanap natin ng pambansang kadakilaan at personal na ginagawa. Pinatunayan din ng mga bayani na ang mga Pilipino ay may kakayahag humarap sa hamon at matinding pagsubok. Ang Himagsikan noong 1896 at ang pagpapatalsik sa isang diktador ay patunay na ang mga Pilipino ay maaaring kumilos kung nagkakaisa. Sila ang masasabing halimbawa ng pagiging makabayan. May paninindigan at nagkakaisang Pilipino.
Hindi malilimot ang ating mga pambansang bayani at ang iba pang bayaning Pilipino. Sila man ay karaniwang mga manggagawa, magsasaka at ordinaryong mamamayan sapagkat ang kanilang sakripisyo, buhay, dugo at talino ay nagbunga sa pagkakaroon natin ng kalayaan. Masasabing ang iniukol na maalab at matapat na pag-ibig sa bayan ay ang imortal na pamana ng ating mga pambansang bayani.
Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Pambansang Bayani, sana ang iba nating mga lider ng bansa na maputla o anemik pa ang pagka-makabayan ay magkaroon na ng lantay na sense of history at sense of nationalism. Maisip din nila na ang tapang at giting ng mga tunay na bayani ay hindi sa mga salitang paimbabaw lamang. Sa hirap at sakit, hindi naghihintay ng bayad-pinsala, ng dangal at yaman. At kung dahil sa bayan ay hindi maduduwag na maghandog ng buhay.
-Clemen Bautista