SA kanyang Facebook account inilabas ni Ogie Diaz ang medical saga ng kanyang bunso.
Si Meerah (galing sa Miracle) ang dahilan ng tahimik na pagpunta at pamananata ni Ogie sa halos lahat ng simbahan sa bansa natin na napapabalitang mahimala.
Hindi pa nag-iisang linggo sa ospital si Meerah nang mag-confide si Ogie sa inyong lingkod tungkol dito.
Never kong nahalata na may dinadalang mabigat na problema, kung hindi pa nagkuwento.
“Ang pakiusap ko sa Diyos, Kuya Dindo, kung kukunin din lang naman Niya si Meerah sa amin ni Georgette, kunin na niya agad. Sana huwag na niyang pahirapan nang husto. Pero kung ibibigay naman talaga niya sa amin, sana ibigay sa amin na malusog at maraming-maraming salamat po!”
Ang siste, nang makitang worried ako, siya pa ang nang-aliw sa kanyang walang kapatawarang jokes. Kapag isinulat ko, masisira ko ang magandang image ni Ogie, kaya huwag na lang, ha-ha-ha-ha!
Titingnang komedyante, pero isa si Ogie sa pinakaseryosong tao na nakilala ko sa industriya.
Isa rin sa may pinakamatatag ang prinsipyo sa buhay. Minsan ko nang nasulat, bakla na mas lalaki pa kaysa tunay na lalaki.
Higit sa lahat, marunong mag-share ng blessings sa higit na nangangailangan.
Hindi kataka- taka ang maraming miracles na nagaganap sa buhay niya.
Naririto ang post ni Ogie: “Kilala n’yo ba ang batang ito na ipinanganak nu’ng Feb. 9, 2017? Premature baby, 680 grams lang na nagtagal sa tiyan ng mama niya nang anim na buwan lang.
“Isang dangkal lang ang laki. Apat na buwang nakatira sa ospital at ilan din ‘yung nakakabit na aparato sa katawan niya na nagsilbing jumping rope niya sa loob ng incubator.
“Pero ang bata mismo, kapansin-pansin sa araw-araw, hindi sumusuko. Lumalaban, kaya hindi rin sumuko ang mama’t daddy niya at ang mga doktor sa Delgado Hospital, kasama ang dasal ng mga nagmamahal sa kanya.
“Ngayon, anlayo na rin ng narating ng mga pagsubok na dinaanan niya para lang makita niya ang ganda ng mundo kahit magulo.
“’Yung araw-araw na paglakas niya? Himala at ginto ang turing ng kanyang mama at daddy.
“Kaya gusto kong ipakilala sa inyo ang 5th daughter at bunso kong nakipagpatintero sa buhay na tulad ng kanyang pangalan, ‘yun din ang inasam naming lahat at salamat sa Diyos, ibinigay naman Niya — si Meerah Khel.”
-DINDO M. BALARES