HUMINGI na ng tulong si Luis Manzano sa mga kaibigan sa press tungkol sa isang poser ng Mommy niya, si Batangas Congresswoman Vilma Santos-Recto, na gumagamit sa account name na Vilma Santos Recto at napakarami nang followers.
Walang social media account si Cong. Vi maliban sa Facebook, na tinatampukan ng ilang activities niya sa Lipa City, Batangas at bihira ang personal activities ng kongresista. Ang latest niyang post ay nang mag-attend siya ng 80th birthday party ni Mother Lily Monteverde kamakailan.
Nadiskubre ni Luis ang tweet ng poser ng ina, na pumasok sa kanyang Twitter account. Kinumpirma ng poser na engaged na ang anak na si Luis sa girlfriend na si Jessy Mendiola. Proud na in-announce rin ng poser na magiging lola na raw siya.
Ito ang tweet ng poser: “I am happy to announce that my son @luckymanzano and @JessyMendiola is now engaged...ill be a lola soon....”
Kaagad namang sinagot ni Cong. Vi ang text ni Jun Nardo para linawin ang isyu.
“My gosh, do you think, ako ang klase ng tao na magsasalita nang ganoon? NO, IT’S NOT ME AND I DON’T HAVE A TWITTER ACCOUNT!!!” depensa ni Cong. Vi.
“Matagal na niyang ginagawa iyan. Noon pa. FAKE NEWS!! Kayo na ang bahala with some friends sa press. Kilala naman ako ng mga tao na hindi ko magagawa iyon. That’s not true!!!”
Kapag binasa mo nga ang Facebook posts at past tweets ng poser ay sinisiraan na niya ang ibang personalidad, tulad nina Erik Santos, Iñigo Pascual, Rhian Ramos, at Kat de Castro.
Kaya si Cong. Vi, nanawagan na rin siya sa mga kasamahan niya sa industriya na wala siyang Twitter account, kaya huwag paniwalaan ang mga tweets ng poser niya.
Abangan natin kung tatanggalin na ng poser ang account nito ngayong bistado na ito, at puwede ngang kasuhan sa paglabag sa batas kontra cybercrime.
-Nora V. Calderon