LALARGA ang pinakabagong torneo na aabangan ng sambayanan -- National Basketball League (NBL-PH) – simula ngayon sa Hagonoy Sports Complex sa Taguig City.

Bautista

Bautista

Tampok sa double header matapos ang opening ceremony ang duwelo sa pagitan ng Rizal Spartans at Cam Sur Express ganap na 4:00 ng hapon, habang magtutuos sa main game ang Marikina Shoemakers at Taguig Generals.

Sa panayam ng Manila Bulletin Sports Online, ipinahayag ni Marikina Shoemakers head coach Cris Bautista, na handa ang kanyang bataan na makipagtagisan ng husay at galing batay sa panuntunan ng liga na itinatag ni NBL Chairman Celso “Soy” Mercado.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Sa kabila ng samu’t saring isyu, nabuo ang Shoemakers at handang patunayan sa mga kritiko na nararapat silang makilahok sa liga na naglalayong mabigyan ng sapat na lugar ang mga Pinoy players na maipamalas ang kanilang mga talento.

“Sabi ko sa kanila wala akong mapangako (in terms of finances). Kung ayaw niyo, walang problema. Ang promise ko lang is exposure,” pahayag ni Bautista.

Ipinangako ni Bautista ang pantay na ‘playing time’ para mabigyan ang lahat ng pagkakataon na maipakita ang kanilang galing.

“Sinubukan ko sila. Sabi ko sa kanila, ‘Yung mga umaasa sa sweldo o mga star dito na ayaw sumunod sa sistema ko, walang problema. Bibigyan ko ng chance yung mga sumusunod,” aniya.

“18, 19, 20 years old tapos wala kang school na mapuntahan puwede kayong ma-scout dito. So sabi ko sa kanila, yung mga may magulang na walang pampa-aral sa inyo, mag-aral kayo. Mag-aral kayo sa pamantasan, libre aral diyan. Pumunta lang kayo,” aniya.

“Basketball ang hobby niyo at magagawa niyo yan any time. Kaya sabi ko, kung ‘di kayo nag-aaral sorry. Hindi ko kayo kukunin dito pag di kayo nag-aaral,” sambit ni Bautista.

Batay sa regulasyon, bawat koponan ay may karapatang magbuo ng koponan na may 25 players. Ngunit, 19 lamang ang kinuha ni Bautista.

“Natira diyan 19. Kasi hanggang 25 eh. Ayoko na rin magbuo ng 25 sobrang dami,” aniya.

“Kung maniniwala sila sa programa ko, magandang plano ko. Tapos nito, WNBL naman bubuo ko then kasunod 14-under naman.”

-BRIAN YALUNG