SA news conference nitong Miyerkules, hinggil sa posibleng pagmumulan ng banta sa buhay ni Pangulong Duterte, itinuro ni Philippine National Police Director General Oscar Albayalde ang New People’s Army (NPA). Ang NPA ay armadong grupo ng Communist Party of the Philippines (CPP) ni Joma Sison. Ito lang, aniya, ang grupo na nagbibigay ng panganib sa buhay ng Pangulo. “Ang alam namin ay nagalit ang CPP-NPA sa Pangulo nang hindi natuloy ang usapang pangkapayapaan, sa halip ay gawing localized peace talks. Ipinapalagay namin na ito ang maglagay sa panganib hindi lamang sa seguridad ng Pangulo kundi maging sa security clusters ng administrasyon,” wika ni Gen. Albayalde.
Pero, nang sumipot siya sa pulong ng League of the Municipalities of the Philippines sa Cebu, sinabi niya sa 200 alkalde mula sa Visayas na nais niyang iwasto ang inihayag ni Joma Sison na siya ay may grabeng karamdaman at nawalan ng ulirat. Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Sison, sa pamamagitan ng kanyang Facebook, na comatose ang Pangulo. “Kung ako ay mamamatay, ang Central Intelligence Agency (CIA) ang gagawa nito. Alam kong ang US ay nakikinig sa akin. Sila ang papatay sa akin,” wika ni Pangulong Digong.
Maliwanag na sinalungat ni Gen. Albayalde ang inihayag ng Pangulo. Hindi ang CIA ang papatay sa kanya kundi ang panganib sa kanyang kaligtasan, ayon sa hepe ng PNP, ay magbubuhat sa CPP-NPA. Sa ginawang ito ni Albayalde, hindi ko alam kung alam niya ang epekto nito sa kanya. Ang alam ko ay inihayag niya ang alam niya ay tama kahit taliwas ito sa ipinahayag ng pinagkakautangan niya ng kanyang posisyon. Ang lahat ng sumasalungat sa Pangulo ay tahasan niyang sinisibak. Lagi niyang sinasabi na hindi ka maaaring maghayag sa publiko ng posisyon o opinsyon laban sa kanyang inihayag. Ang huling nakalasap ng bunga ng pagsalungat sa Pangulo ay si Ret. Gen. Dionisio Santiago. Nauna siya kay Gen. Aaron Aquino, na itinalaga ng Pangulo bilang Director General ng Philippine Drug Eforcement Agency (PDEA). Sinibak siya nang banatan niya na walang silbi ang ipinagmalaki nitong rehabilitation center para sa mga drug-addict na ipinatayo sa tulong ng banyaga sa Laur, Nueva Ecija. Ayon kasi kay Santiago, higit na mabuti sana na ginastos ang salaping ginamit dito sa ibang mahalagang proyekto. Palaisipan pa rin kung pinagbakasyon o sinibak ng Pangulo si PDEA Director General Aquino.
Wala nang laman ang apat na cylindrical container nang abutan ni Aquino, kasama ang customs agent at pulis, nang salakayin ang isang warehouse sa GMA, Cavite. Ngunit, publiko niyang sinabi na naglaman ang mga container ng shabu dahil sa kawangis nito ang container na nasabat nila sa Bureau of Customs (Boc) na pinaglagyan ng shabu at ipinahiwatig ito ng sniffing dog. Ang problema, nang makialam ang Pangulo, sinabi niya na kapag walang shabu, talagang walang shabu ang mga container. Kung magagaya si Albayalde kina Santiago at Aquino, depende kung siya ay nasa sirkulo nina NEDA Director Pernia, Budget Secretary Diokno at iba pa na nasa Gabinete ng Pangulo na tutol sa pederalismo.
-Ric Valmonte