ILANG araw na lamang, at papasok na ang buwan ng Setyembre. Sa maraming taon sa nakalipas, ang Setyembre ay hudyat ng pasisimula ng “ber” months na iniuugnay sa panahon ng Pasko, ang pinakainaabangang bahagi ng taon ng mga Pilipino. Gayunman, ngayong taon din inaasahan ng marami ang mga pangamba, sapagkat ito ang huling buwan ng ikatlong bahagi ng taon na sinasabi ni Socio-economic Planning Secretary Ernesto Pernia na matutunghayan natin ang rurok ng inflation—ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin—sa ating bansa.
Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga nakalipas na buwan, na isinisisi ng marami sa TRAIN law na nagpapataw ng excise tax sa diesel at iba pang uri ng gatong, habang iniaangat din ang buwis sa mga alak at matatamis. Iginigiit ng mga ekonomista ng pamahalaan na ang pangunahing dahilan ng inflation –5.7 porsiyento nitong Hulyo, na pinakamataas sa loob ng limang taon—ay hindi ang TRAIN law kundi ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis at ang paglagpak ng halaga ng piso. Ngunit ang katotohana’y ang kombinasyon ng tatlong salik na ito ang nagtutulak sa pagtaas ng mga presyo. At nakikita ni Secretary Pernia na patuloy pa itong tataas hanggang sa ikatlong bahagi ng taon.
Para sa mga Pilipino, pinakamahalagang bilihin ang bigas, ang pangunahing pagkain sa bansa. Umaangkat ang pamahalaan ng daang libong tonelada ng bigas kada taon para lamang mapanatili ang mababang presyo nito. Malapit nang matamo ng ating mga magsasaka ang pagkakaroon ng sapat na ani para sa pangangailangan ng bansa, ngunit mas mahal ito kumpara sa bigas ng Vietnam at Thailand. Kaya naman sa dalawang bansang ito umaangkat ang ating National Food Authority (NFA), at tinitiyak na mayroon NFA rice sa bawat bahagi ng bansa sa presyong P40 kada kilo, kalahati ng presyo ng pinakamagandang bigas ng Pilipinas. Ang pagkakaroon ng murang angkat na bigas ang tumitiyak sa pananatili ng kabuuang presyo ng bigas.
Gayunman, sa kabila ng pag-aangkat kamakailan, patuloy pa ring tumataas ang presyo ng bigas, iniulat ng Philippine Statistica Authority nitong Martes na umangat sa P45.71 kada kilo ang pamantayang presyo ng tinging bigas ngayong buwan, 9% ang itinaas mula nitong nakaraang taon. Sinabi ng NFA na ang naging pag-angkat kamakailan ay hindi para sa kagustuhang mapababa ang kabuuang presyo. Naniniwala si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na kailangang putulin pababa ang tier ng mga namamakyaw at nangangalakal na silang kumukontrol sa supply ng pagkain sa bansa.
Nangangamba si Albay Rep. Joey Salcedo na lumampas sa 6% ang inflation ngayong buwan kung walang agresibong tugon o solusyon ang maipatutupad. Hinikayat niya ang NFA na mag-angkat at mamahagi ng mas maraming bigas sa presyong P27 kada kilo, para sa mahihirap na komunidad. Hinikayat din niya si Pangulong Duterte na maglabas ng direktiba sa lahat ng namamahalang ahensiya—mga nagpapatupad ng regulasyon sa tubig, enerhiya, toll, at iba pa—na sumang-ayon sa pagpapatupad ng pagsasaayos ng presyo.
May mga una nang balita hinggil sa paglalabas ng executive order ni Pangulong Duterte, matapos ang pahinga ng Kongreso ngayong linggo, para bawasan ang taripa sa ilang pagkaing inaangkat. Patuloy na sinisisi ng ilang ekonomista sa taripang ipinataw ng TRAIN law sa mga gatong na wala naman dati, ngunit walang opisyal ang nagtatangkang ilabas ang isyung ito sapagkat malaki ang magiging epekto nito sa kita ng pamahalaan.
Maraming mungkahi ang ibinibigay na lahat ay layong maihinto ang patuloy na pagtaas ng inflation, na inaasahan ni Secretary Piñol na magpapagaan makaraan ng Setyembre. Subalit, siyempre, isa lamang itong pag-asa at mayroon ding tulad ni Congressman Salceda, na patuloy na nangangamba sa pagtaas ng inflation lampas sa 6%.
Umaasa tayo na ang mga mungkahi para maihinto ang inflation—lalo’t higit sa epekto nito sa pagkain—ay hahantong sa isang tiyak na aksiyon sa mga susunod na linggo. O hindi lamang isang malumbay na Setyembre ang ating mararanasan ngunit lubos na kalungkutan sa panahon ng Pasko ngayong taon.