MALAKING tulong sa mga may talent ang Philippines Search for Stars, ang talent search na handog ng Star Entertainment Production & Talent Management (STEP), dahil maraming talented na kabataan ang nadidiskubre.
Puwedeng sumali ang mga produkto ng STEP sa mga reality show ng GMA at ABS-CBN.
Anyway, naaliw kami sa panonood sa mga bagets na nagpakita ng kanilang talent sa pagkanta at pagsayaw. At sa galing ng mga bata, puwede silang ipanlaban sa “Tawag ng Tanghalan” ng It’s Showtime o sa The Voice ng ABS-CBN.
Dalawang team ang nagpakitang-gilas kamakailan, ang Team Jomari at Team Mimosa, na mga naging mentor ng mga contestant. Kaya naman habang nagpe-perform ang kanilang mga alaga ay kitang-kitang kabado rin sila.
Big Winner si Karol Josef Martinez, 12, matapos talunin ang nakasama niya sa Top 5 na sina Adea Naidine Solon, 13; Andrea Gicel Aguilar, 9; Joven Pascual; at Joana Marie Abraham.
Sa unang pagpili ng Top 5, nanguna si Joven na nakakuha ng 96.25 percent, at sinundan siya ni Karol Josef na mayroong 93.25%, at pumangatlo si Andrea na nakakuha ng 77%.
At sa muling pagtutunggali ng lima, si Karol Josef na ang nakakuha ng unang puwesto.
Ang STEP ay pinamamahalaan nina Roselyn Jorta (president at CEO), Bianca Foster (executive producer), Lester Dimaranan (creative director), at Cielo Dizon (PR at talent manager).
Ayon sa taga-STEP, naiiba sila sa mga ibang production and talent management.
“We have the most comprehensive workshops for talents of all levels, from new faces to professionals. We utilize cutting edge technology to bridge and unite aspiring and professional talents with top TV networks and advertising agencies,” anila.
-Reggee Bonoan