Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya makikipag-usap sa mga pangunahing opisyal ng United States, na nagpahayag ng pagnanais na siya ay makita, maliban na lamang kung ibabalik muna nito ang Balangiga bells.
Ito ang ipinahayag ni Duterte matapos niyang isiwalat na sina US Secretary of State Mike Pompeo, Secretary of Commerce Wilbur Ross at Secretary of Defense James Mattis ay nagpahayag ng pagnanais na siya ay makita para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa isang talumpati sa Panacan, Davao nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Duterte nab ago ang lahat, kailangan munang ibalik ng Amerika ang Balangiga bells, kinuha ng mga sundalo nito mahigit sampung taon na ang nakalilipas.
“Kung hindi nila isauli ‘yang Balangiga bells, wala tayong pag-usapan. I will not [talk to them],” ani Duterte.
“Kapatid natin ‘yan eh. By a long stretch, they were our brothers and sisters,” dagdag niya, tinutukoy ang mga Filipino freedom fighters na nakipagbakbakan noong Setyembre 28, 1901.
Sinabi ni Duterte na naiintindihan niya kung bakit tinangay ng mga Amerikanong sundalo ang mga relics, ngunit hindi niya ito palalampasin.
“And they say that itong bells, iyong Balangiga was a trophy, I can understand it. Ganun talaga ‘yung sundalo,” pahayag ng Pangulo.
“Pero kung ‘yan kinuha mo and you killed everybody in the town in Samar, nine years [old] and above, you massacred them, [and] said, ‘Give it to the howling winds and hang the dogs,’” dagdag ni Duterte.
Aniya, hindi mabubura ng lumipas na panahon ang katotohanan na maraming tao ang pinatay mahigit 100 taon na ang nakalilipas.
“Can passage of time cure an injustice? Just because it was 100 years so it is erased?” tanong niya.
“Tapos ‘yung bells doon, nandiyan. Tapos the memory still haunts everybody here because it was taken with blood and lives of our brothers and sisters,” sabi pa ni Duterte.
-Argyll Cyrus B. Geducos