Kinatigan ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panawagan ng kanyang kapatid sa mga kritiko ng kanilang pamilya na mag-“move on” na sa diktadurya ng kanyang ama mahigit 30 taon na ang nakalipas, dahil mas mahalagang pagtuunan ng publiko sa ngayon ang mga kasalukuyang problema ng bansa.
“I understand my sister because ang pinag-uusapan is something that happened 32 years ago. It was decided. The government fell, kinasuhan kami, at may desisyon na ‘yung mga kaso. It’s done. Ano pang gusto ninyong gawin?” sabi ni Marcos sa isang forum in Quezon City kahapon.
“There are so many problems na hinaharap ng taumbayan, na hinaharap ng Pilipinas. Bakit pa natin pinag-aaksayahan ng panahon ‘to? Tapos na ‘to, eh,” sabi ng dating senador. “Paano aayusin ang Mindanao? Paano lalabanan ang ISIS? Paano aayusin ang peace treaty with NPA? What do we do with China? All these things ang kinakaharap ng Pilipinas. Ang daming napaka-importanteng issue. Bakit natin gustong pag-usapan ang tapos na 32 years ago?”
Ito ay makaraang umapela si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa mga kritiko ng kanilang pamilya na kalimutan na ang batas militar na umiral sa ilalim ng pamumuno ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
“The millennials have moved on, and I think people at my age should also move on as well,” sabi ng gobernadora.Inulan naman ng batikos mula sa oposisyon at mga militanteng grupo ang nasabing pahayag ng opisyal at iginiit na hindi tamang basta na lang kalimutan ang mga nangyaring panggigipit at karahasan noong panahon ng diktadurya.
-Alexandria Dennise San Juan