Nagpahayag ng pangamba kahapon si Senator Francis Pangilinan kung ligtas bang kainin ang 330,000 sako ng binukbok na imported rice matapos itong i-fumigate o alisan ng insekto ng National Food Authority (NFA).

Kabilang ito sa mga katanungang nais ipasagot sa NFA, kasunod ng kumpirmasyon ng kakapusan ng bigas sa Zamboanga City, na isinailalim na sa state of calamity dahil sa problema, ayon kay Pangilinan.

“The NFA cited inclement weather as the reason for the infestation. Is it another issue of lack of planning? Or did the imported rice arrive already infested? If the rice arrived in June, what are the reasons for the delay in unloading?” sabi ni Pangilinan.

“Even as we reiterate our call for the NFA administration to resign, we also want to know: Who is in charge? Who will be held accountable for these continuing crises?’’ dagdag niya.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sa isang panayam ng DZRH kahapon, binanggit ni Presidential Spokesman Harry Roque na “safe naman daw po para sa taumbayan” ang bigas na sumailalim sa fumigation.

“”Ang eksplanasyon naman nila (NFA), eh, pupuwede namang pausukan ‘yan, mawawala ‘yung bukbok at safe naman daw po para sa taumbayan,” ani Roque.

Kasabay nito, iginiit kahapon ng Malacañang na dapat na gawin ng NFA ang mga kinakailangang hakbangin upang maiwasang maulit ang pagkakabukbok ng mga bigas na inaangkat ng bansa.

Ayon kay Roque “not a perfect excuse” ang naisip na remedy ng NFA na isailalim sa fumigation ang mga binukbok na bigas, at sinabing dapat na tiyaking hindi pinepeste ang mga inaangkat na bigas.

“Ang sinasabi nila ay dahil natagalan nga ibaba iyong mga bigas kaya nagkaroon ng bukbok, pero kinakailangan talaga maiwasan itong mga pagyayaring ito,” sinabi ni Roque sa panayam ng DZRH.

“Ang ayaw nating mangyari, nandiyan na ngayon iyong bigas, binayaran na ng taumbayan, baka hindi pa kainin ng taumbayan, kasi sasabihin nila may bukbok.”Una nang kinumpirma ng NFA na binukbok ng mga peste ang daan-daang libong sako ng inangkat na bigas sa loob ng barkong nakadaong sa Subic, Zambales. Katwiran ng ahensiya, dahil sa madalas na pag-uulan ay nabalam ang pagdidiskarga ng mga nasabing sako ng bigas mula sa Thailand, kaya binukbok na ito sa pagkakaimbak.

Napaulat na isinasailalim na sa fumigation ang nasabing mga bigas, na nasa kustodiya pa ng mga supplier, at dadalhin lang sa mga bodega ng NFA kapag nakapasa sa quarantine tests ng pamahalaan

13 nalason sa conference

-MARIO B. CASAYURAN at GENALYN D. KABILING