WALA na ang dating kinikilig-kilig at bungisngis na sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo kapag sumasagot sa mga tanong sa presscon, nang muling humarap sa entertainment press nitong Miyerkules para sa pelikula nilang The Hows of Us. Pareho kasi silang seryoso.

Laking gulat ng mga dumalo sa presscon dahil parang ang bilis namang mag-mature ng dalawa, at malaki rin ang kaibahan ng mga karakter nila bilang Primo at George sa The Hows of Us, na idinirihe ni Cathy Garcia-Molina.

Halos lahat kasi ng projects ng KathNiel ay si Direk Cathy ang direktor, kaya nasubaybayan niya ang dalawa. Inamin din ng direktor na sobrang mahal niya sina Daniel at Kathryn.

“Alam naman nilang dalawa ‘yun. Love ko rin naman ang LizQuen (Liza Soberano at Enrique Gil), pero mas love ko ‘tong dalawa (sabay lingon kina Daniel at Kath),” sabi ni Direk Cathy.

Tsika at Intriga

Maris, namundok matapos maeskandalo kay Anthony

“Mature po talaga ang character nila kasi feeling ko hindi pa nila nagawa ang mga ginawa nila rito sa movie, kasi bawal dapat. Matigas lang po ang ulo. In fact, pinagbawalan po ako. Pinangako po ako na hindi ko pupuntahan ang hindi dapat kaya sumunod po ako, kasi hindi naman talaga kailangan.

“Halimbawa, sex, kaya kong magkuwento ng relationship without it. Madidiri naman siguro ako sa sarili ko na idirek at panoorin ang dalawang ito. So I’m proud that we were able to make a movie without it. Kasi hindi naman siya kuwento ko o kuwento namin, hindi kinakailangan ‘yun.

“So, I’m proud to say na we were able to make a movie na puwedeng pumasok ang mga anak ninyo kasi at the end of the day, it was wholesome.”

Ayon pa kay Direk Cathy, hindi rin niya papayagang manood ang mga anak niya ng pelikulang ginawa niya kung ang tema ay tungkol sa sex.

Samantala, aminado sina Kathryn at Daniel na nahirapan sila bilang George at Primo dahil maraming emosyon ang ibinigay nila sa pelikula.

“Siguro po malaking-malaki kasi sobrang nahirapan po ako talaga, sobra talaga. From Barcelona na medyo heavy, nag rom-com sa Can’t Help Fallin, ito (Hows of Us), halo siya ng rom-com and nandito rin ‘yung bigat,” kuwento ni Kathryn.

“Ang maganda po ay hindi namin tinackle in a very mabigat way. Ginawa lang naming light, balance po and iba siya, kasi ang laki ng maturity na hiningi sa amin ni DJ ng characters nina Primo and George.

“Malayung-malayo si George sa totoo kong buhay kaya hopefully ‘pag napanood nila, si George talaga ‘yung makita nila. And the story din po, bago sa amin,” kuwento ng dalaga.

“Ibang-iba na talaga itong ginawa namin ni Direk Cathy sa lahat ng ginawa namin. Sabi nga ni Kathryn hinahanap na ‘yung maturity at decision-making, lalo na sa isang relationship. Ang dami na naming nagawa ni Kathryn about relationship and ibang tono na po ito. It’s about relationship na mahaba at ita-tackle natin ‘yung mga rason bakit kailangang maghiwalay at rason kung bakit kailangang mag-stay,” sabi naman ni Daniel.

Ang supporters din ng KathNiel ay hinahanapan na rin sila ng mas malalim o mas mabigat na papel sa mga project na ginagawa nila.“Tentative pa kung bibilib ang manonood sa dalawa (KathNiel) kung may acting prowess ba o wala, hinahanapan na sila. So here is a movie hopefully answers all the questions kung may ibubuga ba o wala ang dalawang ito, at kung puwede na silang tawaging aktor other than the rom-coms that they do,” ani Direk Cathy.

Tulad nga ng nasabi namin sa bungad ng artikulong ito, parang pinabibilis ang pag-atake nila sa mature roles considering na nasa early 20s pa lang ang dalawa.

“Sa akin naman po, kung napapansin ninyo na sa tuwing gumagawa kami ng pelikula ay parating may question na, ‘how mature this movie’, ‘di ba ganu’n. Well, hindi naman siya mature na kung tawaging pang-matanda. Kagaya po ng Barcelona, I think tama lang po ‘yun sa edad namin at sa panahon. Kasi ako nasa 23 na, so naghahanap din kami siguro ng may laman na, credible ‘yung proyekto,” sabi ni Daniel.

“Okay na kami sa platform na light sa serye, pero pagdating sa pelikula, worth watching, matanda o bata may laman ‘yung pinapanood and feeling ko sakto lang din po sa panahon.”

“Ako naman po siguro iyon din ang hinihingi sa amin, na laging tinatanong kung anong bago sa movie namin. So nag-e-expect talaga from us, kaya naging challenge rin sa amin na marami talagang nagawa kami ni DJ na rom-com sa teleseryes at ibang movies namin, so laging tanong, anong next?”

Samantala, sa Amsterdam ang principal location ng The Hows of Us dahil gusto naman ni Direk Cathy na maiba ang ambiance ng pelikula niya. Nagkakabiruan na may malaking kinalaman ito sa bulaklak na Tulips, na ayaw naman ikuwento kung bakit.

May nakilala ring pamilya ang KathNiel na sobra nilang hinangaan dahil mababait at simple lang ang buhay.

“Sobrang nag-enjoy po kasi sa lugar na iyon kasi ang simple ng buhay nila, sila ‘yung nagtatanim ng mga halaman nila, sila ‘yung naglilinis, sila ‘yung nagluluto, sila lahat gumagawa,” kuwento ni Daniel.

Mapapanood ang mga kuwentong ito ng KathNiel sa The Hows of Us sa Agosto 29, mula sa Star Cinema. Bukod kina Daniel at Kathryn, kasama rin sa pelikula sina Alwyn Uytingco, Keith Thompson, Darren Espanto, Juan Miguel Severo, Ria Atayde, at Jean Garcia.

-REGGEE BONOAN