MARAMING kinilig sa sinabi ni Daniel Padilla na ang nakikita niyang future wife niya ay ang reel-and-real partner niyang si Kathryn Bernardo. Matapos amining mahigit limang taon na silang magkarelasyon sa tunay na buhay, sinabi rin ng binata na napag-uusapan na nila ang mga posibleng mangyari sakaling magkasama sila sa iisang bahay, gaya ng karakter nila sa The Hows of Us ng Star Cinema.
“Doon naman dapat ang puntahan natin,” kaswal na sagot ni Daniel sa presscon ng movie, na ginanap sa ELJ Building last Wednesday.
Aniya, hindi pa raw niya masabi kung kailan ito mangyayari, pero mukhang desidido na si Daniel.
“Ayaw ko ng late. Kasi, importante sa akin ang personal na buhay. Nandito tayong lahat sa industriyang ito, pero kailangan nating bumitaw sa totoong buhay natin,” ani Daniel.
Inamin din ng reel-and-real life couple na napag-uusapan na nila ang kanilang dream wedding.
“Hindi biruan, seryoso,” halos magkasabay na sagot ng dalawa.
“Ang problema, magkaiba ang dream wedding ko sa dream wedding niya!” natatawang sabi ni Kathryn.
Pangarap ng aktres ang isang simple at intimate beach wedding, pero kabaligtaran nito ang gusto ni Daniel.
“Ako, gusto ko naman, sa simbahan, pero lahat ng fans nandun,” sabi ng binata. “Naiisip ko lang, parang hindi ba nila (fans) deserve ‘yun? ‘Yung moment lang na ‘yun. Pero it doesn’t mean na may pictorial dun. Wala, nandun lang sila.”
Biro tuloy ni Kathryn, “May meet and greet pa rin!”
“Siyempre, pinanood nila ‘yung journey natin, eh. ‘Di ba nila deserve makita kung saan napunta?”
Sabi na lang ni Kathryn, “Nagtatalo na kami, ‘yun pa lang. Problemahin na lang namin kapag malapit na.”
Saan namang beach ang gusto ni Kathryn para sa kanyang kasal?
“Baka mahal kung abroad, mahirap pumunta ‘yung guests. Dito na lang, at saka magaganda ang beach natin,” sabi ni Kathryn.
“Sa Camayan sa Subic, puwede na,” pabirong hirit ni Daniel.
Naranasan na ba nina Daniel at Kathryn ang kapaguran sa anim na taon na sila lang ang laging magkasama?
“Sa buong buhay ko sa showbiz, siya lang ang kasama ko, hanggang ngayon. So, imagine n’yo na lang na sa personal, magkasama kami; pati sa trabaho, every day magkasama kami.
“Kung iisipin n’yo mukhang masaya siya, ‘di ba, dahil araw-araw kayong magkasama. Pero siyempre, darating ‘yung point na, ‘Araw-araw na tayong magkasama, Kathryn, ‘no?’
“’Di ba, darating, eh. Normal ‘yun. So, ‘yung question is, kung paano siya nagiging bago. ‘Yun siguro ‘yung magic na sinasabi ko. Dumadating man kami sa puntong ‘yun, bumabalik din kami. At nare-refresh din kami sa mga sarili namin, at nami-miss ko pa rin siya kahit araw-araw ko siyang kasama.
“Hindi na kami sanay na magkahiwalay. Kung iisipin n’yo, sa long run naman. I think nasa desisyon na namin ‘yun bilang partners. Kung paano namin gagawing bago o gagawing fresh ang relationship naming,” mahabang paliwanag ni Daniel.
Mabuti na lang daw at bago ang relasyon nila ay naging magkaibigan muna sila ni Kathryn.
“Well, noong una naman kasi kaming magkakilala, magkaibigan muna kami. May something ‘yun, mas madali para sa akin dahil marami pa kaming hindi nagagawa ni Kathryn.
“So, looking forward din ako lalo na sa personal kaysa sa trabaho. Mas looking forward pa akong makasama si Kathryn sa mas marami pang biyahe.
“Sa personal naming mga buhay dahil marami pa kaming gagawin. I think ‘yun ‘yung the next level of love or relationship, ‘yun lang lagi.”
“Minsan mas mahirap para sa amin mismo,” dugtong ni Kathryn. “Kapag parati po kasi kayong magkasama, mas nagkakapikunan kayo. Kapag pagod, mas nabubuhos mo ang galit mo sa isa, o mas mainit ‘yung ulo ng isa. Parang mas tine-test ‘yung patience n’yo.”
Kasunod nito, inilahad ni Kathryn ang sekreto sa matagal nilang samahan ni Daniel.
“’Yung secret dun, ilang years na ba? Is you grow together. Dapat siguro hindi mawawalan ng reason ‘yung isa o hindi maiisip ng isa na, ‘Okay, sawa na ako.’ Hindi mo na pararatingin sa ganun, kailangan may nabibigay kang iba o mas nagma-mature nga kayo together.
“Ang laking bagay nun, eh. Like, ‘yung two years ago, ‘yung mga pinag-aawayan namin two years ago, hindi ko masasabi na ‘yun ang pinag-aawayan namin ngayon. Iba na, pati ‘yung pinag-aawayan n’yo, kung paano kami sa isa’t isa.”
“Ang secret talaga is you grow together. Basta huwag lang too much sa lahat. Basta si DJ, ibinibigay ko pa rin ang buhay niya with family and friends. Ako, binibigyan din niya ako. Basta huwag lang to the point na sasakalin n’yo ang isa’t isa. Kailangan mayroon din kayong buhay separately.
“Of course, mas okay kung magkasama kayo, mas okay ang maibibigay n’yo sa lahat,” pagtatapos ni Kathryn.
-ADOR V. SALUTA