MALALIM ang suliraning kinakaharap ngayon ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP). Nagugunita ko ang mga kaganapan bago lumusong sa panguluhan si dating Mayor Rodrigo Duterte.
Si Barangay Chairman Martin Diño ang nagpainit sa upuan ng PDP, sakaling magbago ang isip ng alkalde ng Davao. Binisto ni Sal Panelo sa aking programa (Republika, Martes 8PM Chanel 8 Destiny Cable, Ch. 213 Sky, Ch. 1 Gsat), na otsenta-porsiento ang katiyakan na kakandidato si Digong. Natatandaan ko ang isang oras na one-on-one interview namin ni Mayor Duterte sa telebisyon, habang dalawa sa mga senador ang nakatayo sa likod namin. Binatingaw niya ang pagsuporta sa dalawa, kina Dante Liban at Dionisio Santiago. Naanyayahan ko din ang dalawang nabanggit, kasama sina Rafael Alunan at Greco Belgica sa telebisyon.
Ang gusot ay nagmula noong mismong kumandidato si Digong at nagtapat na hindi sila pinapayagan ng PDP na tumayo sa kanilang mga rally. Isang beses lang daw nangampanya ang bigating opisyal ng partido para sa kanila. Nadismaya ang mga senador ni DU30. Hindi raw iginalang ng PDP ang inendorsong senate slate ni DU30. Nadagukan pa ang PDP dahil, diumano, ay sinangla ng partido ang ideolohiya kapalit ang pagtanggap ng kung sinu-sinong Pontio Pilato na ibig sumali sa PDP.
Sila ay ang mga dating “dilawan” at kung sino pa na naglipatan sa PDP. Hindi man lang nila isinangguni at inusisa kay DU30 kung aprubado ba ang mga apelyidong pinapasok? Ang tanong, PDP ba si DU30? O mas kailangan ng PDP si DU30? Hindi na raw pagtatakhan kung bakit nagkaroon ng palitan ng liderato sa Senado at sa Kamara. Ang unang dalawang nabanggit na senador ay haligi pa ng PDP. Ang nag-alis sa dalawang bagong kasapi ng PDP at may basbas sa Palasyo. Kaya nang humingi ng tulong ang PDP na mamagitan si DU30 sa sigalot. Wika ng huli, “Ayusin ninyo yan, marami pa akong problema sa bansa”.
Tama nga naman. Tinanggap ninyo sila nang walang pasintabi sa Pangulo, tapos ngayon, magpapatulong ang PDP? Sa kalakaran ngayon, mabigat ang signos na mismong si Mayor Sara Duterte ay hindi kasapi sa PDP na partido ng ama. At ang pagbuo nito ng Hugpong ng Pagbabago ay aprubado na ng Malacañang. ‘Yun na!
-Erik Espina