“TANDAAN n’yo, babalik ako!” ito ang sinabi ni Ms Iza Calzado sa blogcon cum pilot viewing ng bagong teleseryeng Ngayon at Kailanman na ginanap sa Dolphy Plaza nitong Lunes ng gabi.

Julia at Joshua

Si Iza ang nanay ni Julia Barretto (Eva) na ang tatay ay si TJ Trinidad, na nag-iisang pinamanahan ng malaking halaga, negosyo at ari-arian ng tatay niyang si Dante Rivero.

May asawa si Dante, si Ms Rosemarie Gil na may anak sa pagkadalaga, si Christian Vasquez na asawa naman ni Alice Dixson. Anak nila sina Jameson Blake (Oli) at Joshua Garcia (Inno).

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

Sa hindi malamang dahilan ay nagtataka si Iza kung bakit namatay si TJ nang puntahan niya sa bahay nila sa Maynila, at dahil hindi sila pinapasok kaya napilitan na lang silang umuwi sa probinsiya kasama ang pinsang si Nico Antonio at anak na si Julia, na sanggol pa lang noon.

Hanggang sa sinundan sina Iza at Nico at pinagbabaril sila ni Manuel Chua, at kinuha ang bata at itinuring nilang anak ng asawang si Mercedes Cabral.

At dahil nagbitaw ng salita si Iza na babalik siya, ibig sabihin ay buhay siya.

Going back kina Manuel at Mercedes, hindi pa roon nagtapos ang problema. Nalaman na nasa pangangalaga nila ang batang Julia, na ginampanan ni Sophia Reola kaya ipinahanap at pilit na kinukuha ng kung sinuman, pero hindi ibinigay ng mag-asawa kaya pinatay din sila.

Bago naman nalagutan ng hininga si Mercedes ay ibinilin niya kay Julia na kapag nagkaroon ng gulo ay alam na nito ang gagawin, sumakay sa bangka at lumayo na nangyari naman.

Nagpalutang-lutang sa dagat si Julia sakay sa bangka hanggang mapadpad sa isang isla at nakita niya ang batang umiiyak na si Joshua, na ginampanan naman ni Andrez del Rosario, dahil at that time ay dumaraan siya sa bone marrow transplant para sa kapatid niyang si Jameson na bata pa lang ay sakitin at ginampanan ni Nezzar Piti-ilan.

Sa nasabing isla ay maraming taong papunta sa isang daang maliwanag at nang papunta na si Inno na kaagad pinigilan ni Eva dahil hindi raw iyon ang tamang daang pauwi.

Hanggang sa nabuhay si Inno at successful ang bone marrow transplant operation para sa kapatid niyang si Oli.

Muling nagpalutang-lutang sa dagat si Eva at nakita siya ng mag-asawang Rosa Mapendo (Rio Locsin) at Abel Dimaguiba (Dominic Ochoa) at kinupkop ang batang Julia.

Ang lupang kinatitirikan ng bahay nina Rosa at Abel, kasama ang ibang kabaryo ay kinukuha sa kanila ni Doña Carmen Cortes (Rosemarie) at inatasan ang manugang na si Stella Simbajon-Cortes (Alice) para paalisin silang lahat at dito na nag-umpisa ang gulo dahil nag-rally.

Muling nagkita sina Inno at Eva sa rally at hindi man sila magkakilala ay may koneksiyon silang nararamdaman sa isa’t isa na parang nagkita na sila rati.

Nabitin kami sa pilot ng Ngayon at Kailanman, parang gusto na naming hilahin ang mga araw para mapanood nang buo ang serye.

Ang ganda ng kuwento dahil ang nagpapatakbo ng negosyong dapat para kay Julia ay si Joshua. Ang masarap na buhay na tinatamasa ng binata ay dapat para sa dalaga.

Sayang at walang pasok nitong Martes kaya hindi pa namin alam kung ano ang ratings ng pilot episode ng Ngayon at Kailanman.

Hmm, nagkakabiruan ang ilang katoto dahil magkatapat daw ang mga programa ng mag-inang Ms Rosemarie at Cherie Gil, na nasa Onanay kasama si Ms Nora Aunor.

Anyway, bago nagsimula ang airing ng Ngayon at Kailanman ay natanong ang cast kung anong mayroon sa society ngayon na mapapanood din sa isang linggong episode ng serye.

Ang sagot ni Ms Rio, “Sa side ng mga dukha, kaming mahihirap kasi ay kinakayan-kayanan ng mayayaman ng pamilya Cortes. Ako bilang lider ng mangingisda ay gustong tumayo at ipaglaban, kasi pati lupang kinatitirikan namin ay kinukuha nila kaya hindi naman nalalayo ang kuwento sa panahon ngayon. Ang mayayaman hangga’t kaya nilang sakupin ang mahihirap, sinasakop nila at iyon ang pinaglalaban ko.”

“Hindi lang sa mayaman o mahirap ito, sa family din, kapag may sakim sa pamilya nagkaka-away-away din pagdating sa pera o power. Nagkakasiraan din,” dagdag naman ni Iza.

Ang panig naman ni Christian ay kapag too much love ay nagkakaroon din ng hindi magandang resulta, kaya dapat sakto lang ang pagmamahalan ng bawat isa lalo na sa pamilya.

Bawat karakter sa serye ay may mahahalagang papel kaya maraming interesadong abangan ang bagong serye ng Star Creatives lalo na ang millennial supporters ng JoshLia na present din sa nasabing blogcon na talagang pati sila ay naki-participate rin.

Kaya abangan simula Lunes hanggang Biyernes ang Ngayon at Kailanman sa Primetime Bida ng ABS-CBN pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano.

-REGGEE BONOAN