Health (DoH) ang publiko laban sa pagbili ng mga pagkaing maaaring nilagyan ng formalin o formaldehyde upang panatilihing mukhang sariwa ang mga ito, dahil maaari itong magdulot ng cancer at kamatayan.
Ito ang babala ni Health Undersecretary Eric Domingo kasunod ng mga haka-haka na posibleng ginamitan ng formalin ang mga frozen galunggong na inaaangkat mula sa China, dahil nananatiling sariwa pa rin ito pagdating sa Pilipinas.
Ayon kay Domingo, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng formalin sa preserbasyon ng pagkain dahil mapanganib at nakamamatay ito.
Carcinogenic, aniya, ang formalin, o maaaring magdulot ng cancer kung laging nakakain ng tao.
Sinabi pa ni Domingo na ang 30 milliliters lang ng formalin ay sapat na upang mamatay ang isang indibiduwal.
“Hindi siya (formalin) puwedeng gamiting pang-preserve ng kahit anong isda o karne na kakainin ng tao,” sinabi ni Domingo sa isang panayam sa radyo.
“Ang formalin kasi toxic substance ‘yan, kaya hindi talaga dapat ilagay sa pagkain, bawal talaga.
“Maliliit na amounts (ng formalin) can also cause cancer later in life. Nakakamatay rin ho siya. 30 milliliters of formalin is enough to kill an adult,” babala ni Domingo.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Domingo ang publiko na tiyaking sariwa at walang formalin ang mga binibiling pagkain, tulad ng isda, karne, gulay at prutas.
Kung hindi naman, aniya, matiyak na sariwa ang nabili at dudang baka may formalin ito ay maaari namang linising mabuti ang pagkain.
Gayunman, nagbabala rin si Domingo na maaari lang na tuluyang matanggal ang formalin sa pagkain kung bagong lagay ito, pero kung matagal nang nailagay ay hindi na ito maaalis, dahil tumagos na ito hanggang sa selula ng isda o karne.
Paglilinaw naman ni Domingo, hindi ang Food and Drugs Administration (FDA), kundi ang Department of Agriculture (DA) ang may kapangyarihang sumuri sa mga frozen galunggong mula sa China, na hinihinalang may formalin.
-MARY ANN SANTIAGO