MATAPOS ipahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang plano ng Pilipinas na bumili ng unang submarine at Russia ang isa sa mga pinagpipiliang supplier, sinabi ni US Defense Assistant Secretary for Asian and Pacific Security Affairs Randall Schriver na hindi ito “helpful thing to the alliance” ng Pilipinas sa US. Agad na tumugon si Pangulong Duterte at sinabing: “You want us to remain backwards?” Ipinunto niya na ang mga bansang Vietnam, Malaysia at Indonesia ay mayroong submarine.
Nangangamba ang US na makakuha tayo ng submarine sa Russia. “When you buy weapons systems, particularly major platforms, you’re not just buying capability; you’re investing in a relationship,” pahayag ni Assistant Secretary Schriver. Sa loob ng ilang dekada matapos ang World War II, pinagbantaan ng US at Russia, ang dalawang magkaribal na super-powers ng mundo, ang isa’t isa ng mapangwasak na nukleyar, sa isang prosesong magdudulot sa buong mundo ng kawalang-buhay dahil sa polusyon ng nukleyar.
Hindi na isinusulong ng Russia ang ganitong pagbabanta sa kasalukuyan, ngunit patuloy itong binabantayan ng Amerika habang pinanatili ng dalawang bansa sa ngayon ang libu-libo nitong nuclear missile na nakatutok sa bahagi ng isa’t isa. Muli rin nilang binuhay ang kapasidad na mabilis na mapakilos ang kani-kanilang puwersa.
Isa sa pinakamatandang shipyard ng Russia ang Admiralty Verfi sa St. Petersburg. Sa loob ng 313 taon nitong operasyon, nagawa nitong makabuo ng nasa 2,300 barko, kabilang ang mga nuclear submarines. Ang kilo-class submarine na ito ng Russia ay binili ng maraming bansa—Algeria, China, India, Iran, Poland, Romania, at iba pa. Nasa anim na submarine ang nabili ng Vietnam mula rito.
Sa inagurasyon ng dalawang pinakabago nitong Pebrero, 2017, iginiit ni Prime Minister Nguyen Xuan Phuc na hindi nakikipagkumpitensya ang Vietnam sa armas sa pagbili nito ng submarine at hindi nito layuning takutin ang ibang mga bansa mula sa pagkakaroon nito. Ngunit determinado ang Vietnam na ipagtanggol ang karapatan nito sa continental shelf, sa territorial sea, at ang mga isla nito sa South China Sea, ayon dito.
Hindi naman makikita na ang pagbili ng Vietnam ng submarine sa Russia ay may kaugnayan sa anumang hangarin nitong magkaroon ng “relationship” sa Russia. Wala rin itong koneksiyon sa digmaang minsan nitong pinaglabanan—at napagwagian—laban sa US noong Vietnam War. Sa halip ito ay para sa determinasyon ipagtanggol ang sariling interes sa South China Sea.
Dapat unawain ng US na tulad ng Vietnam ay nais din ng Pilipinas na palakasin ang armadong puwersa nito at ngayon nga ay ikinokonsidera ang pagbili ng submarine sa Russia, hindi ang kagustuhang magkaroon ng malapit na ugnayan sa bansa, ngunit tanging sa pagnanais na mapalakas ang depensa—lalo’t higit sa depensang pandagat, sa panahong lahat ng mga kalapit nitong bansa ay nagpapaunlad din.
Tulad nga ng wika ni Secretary Lorenzana, “For an island nation like the Philippines, its defense can be considered incomplete without a fleet of submarines. An effective submarine force is a good deterrent for would-be aggressors.”