BUMUHOS ang suwerte sa pagkapanalo ni weightlifter Hidilyn Diaz sa 18th Asian Games.

diaz

Naghihintay ang dagdag na P2 milyon cash incentive sa 24-anyos na pambato ng Zamboanga City bilang pagkilala sa nakamit na gintong medalya sa quadrennial Games.

Sa kasalukuyan, tanging si Diaz ang may gintong medalya sa 270-men Philippine contingent sa Jakarta, habang tatong bronze ang kasalukuyang ambag ng taekwondo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ayon kay Sen. Juan Edgardo “Sonny” Angara, ipapasa niya ang resolusyon para sa komendasyon ni Diaz at ng iba pang Pinoy medalist sa asian Games.

“Tayo po ay nakikiisa sa milyon-milyong Pilipinong nagbubunyi sa pagkapanalo ni Hidilyn,” pahayag ni Angara.

“She once again showcased the Filipino fighting spirit. She deserves all the support in recognition of the honor she continues to bring to our country,” aniya.

Batay sa Republic Act No. 10699, or An Act Expanding the Coverage of Incentives granted to National Athletes, Coaches and Trainors, na inisponsoran ni Angara, tatanggap si Diaz ng P2-milyon cash incentive mula sa pamahalaan.

Sa naunang batas, P1 milyon lamang ang nakukuha ng Asian Games gold medalist.

Itinaas din ang cash incentives ng bronze medalists sa P400,000 mula sa P100,000.

Bukod sa P2-milyon incentive sa pamahalaan, tatangap din si Diaz ng P2 milyon mula sa Philippine Olympic Committee, P1 milyon sa Siklab Foundation at P1 milyon mula kay Philippine Ambassador to Indonesia Lee Hoong.

“Hidilyn was the very first beneficiary of the Athletes Benefits and Incentives Act that we ushered into law. She received P5-million in cash incentive when she won the silver medal in the Summer Olympics in 2016,” ayon kay Angara.

“She uses the money to build a weightlifting training facility in her hometown in Zamboanga. And this is to help her fellowmen who also dream of becoming a world-class athlete like her,” aniya.

Sinabi naman ni City Councilor Elbert Bong Atilano na tatanggap si Diaz ng P500,000 mula sa city government ng Zamboanga.

-HANNAH L. TORREGOZA