PINATUNAYAN ng 22-anyos at tubong Zambonga del Norte na si Rene Mark Cuarto na handa na siyang pumalaot sa bigtime boxing nang talunin via 12-round unanimous decision ang tubong Davao del Sur at 23-anyos na si Clyde Azarcon para matamo ang WBO Oriental minimumweight title kamakalawa ng gabi sa Gaisano Mall of Toril, Davao City.

Binawasan ng dalawang puntos ni referee Danrex Tapdasan si Cuarto sanhi ng pang-uulo sa 4th round na ikinasugat ng kaliwang kilay ni Azarcon ngunit nanalo pa rin ito sa puntos sa mga iskor na 114-112, 115-111 at 114-112.

Sa pagwawagi, inaasahang papasok sa WBO rankings para sa buwan ng Agosto si Cuarto na ang kampeon ay ang Pilipinong si Vic Saludar.

Napaganda ni Cuarto ang kanyang kartada sa 16-1-1 na may 9 panalo sa knockouts samantalang bumagsak ang rekord ni Azarcon sa 13 panalo, 2 talo na may 4 pagwawagi sa knockouts.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa undercard ng laban, pinatulog sa 1st round ni one-time world title challenger at kasalukuyang Philippine flyweight champion Genisis Libranza si Pinoy journeyman Jetly Purisima sa nakatakdang 10-round na sagupaan.

Napatigil naman sa 2nd round ni dating world rated flyweight Ronnie Baldonado si Romulo Ramayan, Jr. sa 8-round bout.

-Gilbert Espeña