BAGO natupad ang pangarap ng ilan sa mga pinakahinahangaang celebrities ng mga Pinoy ngayon, ay nagsimula ang kuwento nilang lahat sa isang audition.

Ito ang mga kuwento ng pangarap at pag-asa na bibida sa bagong grand audition show na Star Hunt, na magbibigay-serbisyo sa lahat ng ordinaryong Pilipinong nangangarap. Nagsimula na nitong Lunes ang show.

Manggagaling ang mga istoryang ito sa mga Star Dreamer o auditionee na nakitaan ng potensiyal mula sa libu-libong sumugod at sumalang sa mga ginanap na Star Hunt grand auditions sa loob at labas ng bansa.

Ipakikilala sa mga manonood ang mga natatanging Star Dreamer ng mga show hosts na sina Kim Chiu, Alex Gonzaga, Robi Domingo, at Melai Cantiveros, na minsan na ring nangarap at nagpakatotoo sa loob ng Bahay ni Kuya. Ngunit higit pa sa pagpapakita ng iba’t ibang talento – mula sa pag-acting, pagsayaw, kantahan, at iba pa – susundan din ng show ang buhay ng Star Dreamers tungo sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Mula sa auditions, tutulungan ng Star Hunt ang Star Dreamers na habulin ang kanilang bituin at bibigyan sila ng pagkakataong maitampok sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN—mapa-TV, radyo, musika, online, o pelikula.

Simula nang ilunsad ang Star Hunt auditions, nakapagbigay na ito ng pag-asa sa mga Star Dreamer na naging o maaaring maging bahagi ng I Can See Your Voice, Tawag ng Tanghalan, Dance Kids, MMK, Pinoy Big Brother at ang paparating na dance competition na World of Dance Philippines.

Sino kaya sa Star Dreamers na itatampok ang may posibilidad na maging housemate sa susunod na season ng Pinoy Big Brother? Ano kaya ang koneksyon nina Piolo Pascual at Coco Martin sa pagtupad ng pangarap ng ilang Star Dreamers?

Para sa updates, pumunta lamang sa fb.com/starhuntabscbn o i-follow ang @ starhuntabscbn sa Twitter at Instagram.