Isinailalim kahapon sa inquest proceedings sa Makati City Prosecutor’s Office ang tatlong Chinese na umano’y dumukot sa isa nilang kababayan sa nabanggit na lungsod, nitong Lunes.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director Tomas Apolinario, Jr. ang mga suspek na sina Wana Ping, 46; Yuan Jun, 47; at He Ping, 45, pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel casino sa Barangay Tambo, Parañaque City. Sila ay pawang kinasuhan ng kidnap-for-ransom.

Ang biktima naman ay si Chao Yu, 28, computer engineer, ng Chino Roces Street, Bgy. Pio Del Pilar, Makati City.

Sa ulat ni Chief Supt. Apolinario kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Guillermo Eleazar, naganap ang pagdukot sa loob ng condominium unit ng biktima sa Makati City, bandang 5:00 ng hapon nitong Agosto 20.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hiningan umano ng mga suspek ng pera ang kinakasama ng biktima, si Charlote Acosta, na agad namang nagdeposito ng P480,000.

Hindi pa nakuntento ang mga suspek, muli umanong humirit ang mga ito ng P300,000 kay Acosta, subalit hindi natuloy ang negosasyon nang tumanggi ang pamilya nito na magbigay ng pera.

Pagsapit ng 12:09 ng madaling araw ng Agosto 21, dumulog sa tanggapan ng Station Investigation Detective and Management Section ng Makati City Police si Richmond Acosta, kapatid ni Charlote, upang humingi ng tulong kaugnay ng pagkakakidnap kay Yu.

Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation laban sa mga suspek matapos makipagkasundo ang mga ito sa halagang P100,000, sa loob ng condo unit ng biktima, bandang 11:30 ng umaga kamakalawa.

Naaresto ang tatlong dayuhan at nabawi ang ransom money.

-Bella Gamotea at Fer Taboy