Kailangan ng bansa ng mas maraming mamamayan na tulad ng matapang at makabayan na yumaong si Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. para matamo ang mas magandang kinabukasan para sa bansa, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon.

Sa paggunit ang bansa sa ika-35 anibersaryo ng pagkamatay ng democracy icon, hinimok ng Pangulo ang mga lider ng pamahalaan na tularan ang pagmamahal sa bayan at dedikasyon sa serbisyo publiko ni Ninoy.

Ipinaalala ni Duterte sa bansa ang virtues ng namayapang senador sa pagsisikap na matamo ang demokrasya sa bansa sa pakikiisa niya sa paggunit ang Ninoy Aquino Day nitong Agosto 21.

“In this time of real and lasting change, we need more citizens like him so we can steer our country towards the direction where a brighter and better future awaits us all,” anang Pangulo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Let us take this opportunity to reflect on his sacrifice as we honor the courage and patriotism that Ninoy demonstrated during his struggle. May his dedication to his cause serve as a guidepost for our current leaders in government as they advance the welfare of our people, especially the oppressed and marginalized,” idinugtong niya.

Nanawagan si Duterte sa mga Pilipino na magtulungan para mailatag ang mga reporma “that will put an end to the many social ills that have obstructed our path towards becoming a mature and stable democracy.”

Noong Agosto 21, 1983, binaril at napatay si Aquino sa airport tarmac sa pagdating niya mula sa pagkakapatapon sa United States. Ang kanyang pagpakamartir ang nagbunsod ng mapayapang 1986 EDSA People Power revolution na nagpatalsik sa diktaduryang Marcos. Inalala at nagbigay-pugay din ang mga senador kay Ninoy sa anibersaryo ng kanyang pagkamatay.

“May we always be reminded that we are the Filipinos who won our freedoms through the lives and deaths of those who ended the oppressive reigns of Martial Law,” pahayag ni Sen. Joel Villanueva.

Sinabi ni Sen. Francis Pangilinan na nakasalalay sa atin, lalo na sa kabataan, ang kinabukasan na magdulot ng pagbabago na naging kapalit ng buhay ni Ninoy.

Hinikayat ni Sen. Leila de Lima ang sambayanan na ipagpatuloy ang laban ni Ninoy para sa demokrasya.

-Genalyn D. Kabiling at Leonel M. Abasola