Wala pang napipiling kapalit si Pangulong Rodrigo Duterte sa nagbitiw na si National Anti-Poverty Commission Lead Convenor Liza Maza.
Ayon kay Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, hanggang ngayon ay hindi pa nakapagpapasya ang Pangulo kung sino ang maaaring pumuno sa puwestong iniwan ni Maza.
Tiniyak niyang pipiliin ni Pangulong Duterte ang tulad ni Maza na mayroong kapasidad na pagsilbihan ang mahihirap partikular sa anti-poverty drive ng gobyerno.
Ayon kay Go, maayos ang pagpapaalam ni Maza sa pamahalaan dahil sa mga bagay na hindi na napagkakasunduan tulad ng isyu sa peace talks. Kinumpirma rin niya na isa sa mga ipinakiusap ni Maza sa Pangulo ay ang maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa makakaliwang grupo.
Ipinahayag ni Maza ang kanyang pagbibitiw bilang Secretary at Lead Convenor ng NAPC nitong Lunes.
“I joined the Cabinet more than two years ago with high hopes of helping to facilitate meaningful socioeconomic and political reforms from within the government, when the President was initially engaged in the peace negotiations that can potentially bring these about,” ani Maza sa isang pahayag.
“His latest pronouncement, however, on finally terminating the talks brings me to the conclusion that these reforms may no longer be possible under the current administration,” idinugtong niya.
Nagpahayag naman ng suporta kay Maza ang aktibistang madre na si Sister Mary John Mananzan, sinabing nauunawaan niya ang rason nito.
“I welcome it,” ani Mananzan. “I understand her disillusionment with the present administration.”
Sinabi ni Mananzan, dating co-chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines, na ang pagbibitiw ni Maza ay isang pagpapahayag ng kabiguan ng administrasyon.
“I think her resignation is making a statement about the failure of her boss,” aniya.
At ang mensahe niya kay Maza: “Welcome back to the peoples’ movement.”
-Beth Camia at Leslie Ann G. Aquino